(Inirekomenda sa gobyerno) MAG-INVEST SA DEBT PAYMENT

Joey Sarte Salceda

HINIMOK  ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na mag-invest pa sa mga programa na makatutulong para mabayaran ng bansa ang mga utang nito.

Batay sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr), sa pagtatapos ng 2021, ang outstanding debt ng national government ay nasa P11.73 trillion, mas mababa ng 1.7% kung ikukumpara sa P11.93 trillion noong katapusan ng Nobyembre 2021.

Ayon kay Salceda, sa ngayon ay “manageable” pa naman ang debt level o ang antas ng utang ng bansa ngunit kailangang kumilos para mailagay sa mas maayos na posisyon ang Pilipinas pagdating sa pagbabayad ng utang.

Inirekomenda ng kongresista na mamuhunan pa ang gobyerno sa mga long-term at growth creating programs tulad ng imprastraktura nang sa gayon ay matulungan ang bansa na maglaan ng mas malaking halaga sa mga proyekto na makatutulong para mabayaran ang mga utang sa hinaharap.

Kailangan din aniyang mapanatili na mababa ang interes sa utang ng bansa, may krisis man o wala.

Panghuli ay mahalaga aniyang mabantayan ang iskedyul ng debt payments, lalo na sa 2024 at 2025 kung kailan P60 billion bawat taon ang babayarang utang.

Dagdag pa ng kongresista, mahalagang mabalanse na mayroon pa ring pondo ang gobyerno na pambayad utang at panggugol sa social services.  CONDE BATAC