INISYUHAN NG WARRANT KUMASA SA MGA PULIS TODAS

QUEZON-DEAD on the spot ang 44-anyos na lalaki nang makipagbarilan sa mga pulis na magsisilbi ng warrant sa kaniya sa Barangay Concepcion Banahaw, Sariaya sa lalawigang ito nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Marlon Mendoza, may asawa at residente ng Sitio Tres Mango ng nabanggit na barangay.

Base sa imbestigasyon ng Sariaya police station, dakong alas-7:30 ng umaga nang magtungo ang mga operatiba para isilbi ang warrant kay Mendoza sa salang pag- iingat ng mga hindi lisensiyadong baril.

Ang warrant ay inisyu ng tanggapan ni Judge Agripino Bravo ng RTC 4th judicial region ng Lucena City.

Base sa report, kasama ng mga pulis ang mga opisyal ng barangay ng magtungo sa bahay ni Mendoza at agad na kumatok sa nakasaradong pinto.

Subalit, sa halip umanong buksan ni Mendoza ang pinto, pinagbabaril umano nito ang mga pulis at nakuha umanong makalabas ng suspek sa likuran bahagi ng kanyang bahay at nagawa pa nitong makipagpalitang ng putok sa mga awtoridad.

Wala na umanong nagawa ang mga pulis at gumanti ng putok na ikinasawi ni Mendoza. ARMAN CAMBE