NAGBUHOS si Devin Booker ng 35 points at hinila ng Phoenix ang kanilang winning streak sa 11 games sa pamamagitan ng 121-111 panalo laban sa bisitang Brooklyn.
Kumubra si Mikal Bridges ng 27 points sa 10-of-14 shooting upang magtala ng season-high point total para sa ikalawang sunod na laro. Nag-ambag si Chris Paul ng 20 points at 14 assists, at umiskor si Cameron Johnson ng 16 points mula sa bench para sa Suns, na may NBA-best 41-9 record na siya ring top 50-game mark sa franchise history.
Kumana si Kyrie Irving ng 26 points at nagdagdag si James Harden, nagbalik mula sa two-game absence, ng 22 points at 10 assists para sa Brooklyn na nahila ang season-worst losing streak sa limang laro. Napantayan ni Blake Griffin ang kanyang season high na 17 points at gumawa si Kessler Edwards ng 13 para sa Nets, na naglaro na wala si Kevin Durant (knee) sa ika-8 sunod na game.
WARRIORS 124, SPURS 120
Kumamada si Jordan Poole ng 31 points at isinalpak ang winning 3-pointer, may 17.9 segundo ang nalalabi, at binura ng short-handed Golden State Warriors ang 17-point deficit upang gulantangin ang host San Antonio Spurs.
Ito na ang ika-7 sunod na panalo ng Warriors.
Sumalang ang Warriors sa ikalawang laro ng road back-to-back na wala sina Stephen Curry (toe), Klay Thompson (Achilles) at Andrew Wiggins (knee). Nag-ambag si Damion Lee ng 21 points, at nagtala si Moses Moody ng career-high 20.
Nakalikom si Dejounte Murray ng 27 points, 9 assists at 9 rebounds para sa Spurs na natalo sa ikatlong pagkakataon sa apat na laro.
TIMBERWOLVES 130, NUGGETS 115
Nagsalansan si Karl-Anthony Towns ng 24 points, 10 rebounds at 7 assists para pangunahan ang Minnesota kontra Denver.
Nagdagdag si Taurean Prince ng 23 points sa 8-for-12 shooting mula sa bench para sa Timberwolves, na nanalo ng dalawang sunod at 10 sa kanilang huling 15. Tumapos si Jarred Vanderbilt na may 18 points at 9 rebounds, habang nagdagdag sina Malik Beasley at Naz Reid ng tig-12 points mula sa bench.
Tumapos si Nikola Jokic na may 21 points, 16 rebounds at 8 assists upang pangunahan ang Nuggets. Tumipa sina Will Barton at Monte Morris ng tig-13 points para sa Denver, na naputol ang five-game winning streak.
Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Raptors ang Heat, 110-106; ginapi ng Bucks ang Wizards,112-98; nadominahan ng Pelicans ang Pistons, 111-101; at namayani ang Bulls sa Magic, 126-115.