UMIIKOT sa social media ang video ng pag-aaway ng dalawang motorista sa Cavite.
Galit na galit ang lalaking driver na bumaba sa kotse at hinarap ang driver na nakaalitan niya. May kasamang pamilya ang ikalawang driver kaya nanatili siya sa loob ng sasakyan. Inawat naman ng mga kasama ng unang lalaki ang kanilang kasamahan, ngunit nasabi na ang masasakit na salita at nagawa na ang hindi dapat—nang dahil sa init ng ulo, posibleng kalasingan, o bugso ng damdamin.
Kung tayo ay nasa daan, tandaan sana natin lagi na mahalaga ang pagtitimpi dahil ang ating mga aksiyon at salita ay puwedeng magkaroon ng matindi at hindi kanais-nais na resulta. Kagaya ng nangyari sa halimbawang nabanggit, ayon sa balita ay itutuloy ng ikalawang lalaki ang asunto laban sa kanyang nakabangga. Kung nagpairal lamang sana ng kaunting lamig ng ulo, pareho silang nakaiwas sa gastos at abala. Sa maraming pagkakataon, nauuwi pa nga sa kamatayan ang init ng ulo.
Bukod pa sa direktang epekto ng init ng ulo, mayroon ding masamang naidudulot ito sa ating kalusugan—sa katawan at isip. Ang galit at stress ay maaaring makaapekto sa puso, blood pressure, at maging sa ating mental health. Puwede itong magdulot ng iba’t ibang sakit.
Upang makaiwas sa masamang epekto ng init ng ulo habang nasa daan, pahabain natin ang ating pasensiya at iwasang makipag-komprontasyon sa mga agresibong drayber. Kung nakakaramdam na ng stress, magpahinga sandali at gumawa ng mga aktibidad na nakapagpapakalma ng sarili, kagaya ng pakikinig sa music, pagdarasal o pagme-meditate, pakikipag-usap sa kaibigan o kamag-anak, pagbabasa o pagsusulat, paghinga ng malalim, at pananahimik.
Umiwas tayo sa gulo upang manatiling ligtas sa daan, hindi lamang ang ating mga sarili at mahal sa buhay, kundi pati na rin ang ibang taong nakakasabay natin sa labas.