INITIAL SECURITY CHECK SA NAIA INALIS NG MIAA

MIAA-2

INABISUHAN  ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ng Office of Transportation Security (OTS) ang mga pasahero ng Cebu Pacific, Air Asia at ang iba pang mga local airlines, na nag-o-operate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), terminals 2, 3 at 4 na mula Disyembre 16 ay wala nang initial security check upang mapabilis ang pagpasok at paglabas ng mga pasahero sa paliparan.

Mananatili ang security personnel na responsable sa pag-check ng travel documents ng mga pasahero at ang maaring makapasok sa loob ng airport ay pasaherong may ticket at kumpleto ang mga dokumento.

Kasabay nito, pinapayuhan ang mga pasahero na dapat ay maayos na naka-impake ang kanilang mga bagahe, at iwasang magdala ng ipinagbabawal na items sa loob ng paliparan.

Matatandaan na inalis ang initial security sa mga entrance ng NAIA terminals dahil sa mga reklamo ng mga pasahero , bunsod sa sobrang security check sa mga airport. Froilan Morallos