IPINAG-UTOS ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng tauhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na panatilihin ang status quo sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad hanggang sa tuluyang mabuo ang Department of Migrant Workers (DMW).
Ipinalabas ni Bello ang direktiba sa gitna ng mga salungat na posisyon mula sa ilang grupo na “nagdulot ng kalituhan at pagkagambala sa serbisyo publiko sa mga migranteng manggagawa.”
Sa isang memorandum, binigyang-pahintulot ni Bello si POEA Administrator Bernard Olalia na maglabas ng kaukulang utos upang maisakatuparan ang kanyang direktiba para sa pagbibigay ng serbisyo at upang matiyak ang maayos na operasyon ng POEA.
Binigyang-diin ni Bello na ganap na mabubuo ang DMW sa sandaling ang nakalaang pondo rito ay nakasama na sa 2023 General Appropriations Act; epektibong pagpapatupad ng mga tuntunin at regulasyon; at mayroon nang pinagtibay na staffing pattern.
Sa pagbanggit sa mga magkasalungat na posisyon sa konstitusyon ng DMW, tinukoy ni Bello ang Administrative Code of 1987 na nagsasaad na ang lahat ng mga hindi pagkakaunawaan, paghahabol, at kontrobersiya sa pagitan ng mga kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya, at instrumentalidad ng pambansang pamahalaan ay dapat administratibong naayos o hinatulan ng Justice Secretary, bilang Attorney-General ng pambansang pamahalaan.
“Kaya, napakahalaga na mapanatili ang status quo habang nakabimbin ang pagpapalabas ng Justice Secretary ng kanyang desisyon, na magiging konklusibo at may bisa sa lahat ng partidong may kaugnayan,” pahayag ni Bello.
Samantala, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ipinakita sa Pangulo ang parehong implementing rules and regulations na isinumite ng Transition Committee at ng kalihim ng DMW.
Matatandaan na isinumite ng Transition Committee sa Tanggapan ng Pangulo ang implementing rules and regulations, na may lagda ng mga miyembro ng Committee, maliban sa kalihim ng DMW. Sa kabilang banda, nilagdaan ng kalihim ng DMW ang kanyang bersiyon ng pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon, na inilathala noong Abril 6.
Bilang pagkilala sa kapangyarihan ng Transition Committee na bumalangkas sa implementing rules and regulations ng Republic Act 11641, naglabas si Medialdea ng isang memorandum noong Abril 18 kung saan ipinaaalam na ang Pangulo ay “walang pagtutol sa isinumiteng IRR at pinahintulutan ang agarang publikasyon. LIZA SORIANO