(Iniutos ng ERC) REFUND SA SOBRANG SINGIL SA KORYENTE

INATASAN ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na isauli ang higit P7 bilyon na sobrang nakolekta sa mga nakalipas na taon.

Ang refund, na katumbas ng bawas na P0.47 kada kilowatt hour sa residential customers, ay naglalayong mapagaan ang dagdag-singil sa koryente sa paparating na May bill.

“Kahit mag-increase ng P0.60, ‘pag nabawasan, baka ang increase na lang ay hopefully P0.15 to P0.20, malaki ang ibababa,” wika ni ERC Chairperson Agnes Devanadera.

“Ito na lang ang aming puwedeng magawa sa ngayon at saka mayroon namang ini-spread out para ‘di tumaas masyado,” ayon kay Devanadera.

Papatak din sa May bill ang pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa paggalaw sa world prices.

“The fuel cost is something that we cannot do much because this is a worldwide event. It’s a factor that is not within the control of Asia and the region,” dagdag ni Devanadera.