MAKARAANG aminin ni Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Administration (DOST-PAGASA) Deputy Administrator Esperanza Cayanan na mararamdaman na ang epekto ng El Niño, agad inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Office of Civil Defense na gumawa ng hakbang para ibsan ang banta ng matinding tagtuyot.
Sa pulong sa Malacanang, bukod sa OCD inatasan ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kasama ang Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, National Irrigation Authority at Metropolitan Waterworks and Sewerage System na gumawa ng nararapat na paghahanda para sa whole-of-nation government strategy para tutukan ang banta ng dry spell o El Niño phenomenon na tatama ngayong taon na maaring maging sanhi ng kakulangan sa pagkain dahil sa epekto sa agrikultura at pagkakaroon ng sakit.
Inatasan ng Pangulo ang mga nasabing ahensiya na gumawa ng kampanya para sa public awareness para sa water and energy conservation, na pangunahing epekto ng El Niño phenomenon, ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.
“Nagbigay po kanina ng malinaw na instructions or utos ang Pangulong Bongbong Marcos na palakasin pa ho natin iyong paghahanda doon sa inaasahang masamang epekto ng El Niño,” ayon kay Nepomuceno at iginiit na unang pinaalalahanan ang DOH para matiyak na maiwasan ang sakit kapag tag-init.
“Pangalawa naman po, iyon pong paghahanda sa kakulangan ng tubig. Inaasahan natin iyan so inutos niya kanina na dapat magkaroon tayo ng public awareness campaign at immediately lalo na simulan dapat noong mga government agencies, institutions including mga public institutions na mga eskuwelahan or schools na magtipid na kaagad ng tubig bago pa lumala iyong problema.”
Nais din umano ni Pangulong Marcos na magtipid sa enerhiya.
Sinabi pa ni Nepumuceno na dalawa ang instruction ng Pangulo. Una ay ang pagpapairal ng whole-of-government o whole-of-nation approach, at ang ikalawa ay ang pagsasagawa ng protocol-based and scientific long-term processes gaya ng cloud seeding.
Sa pamamagitan ng mekanismo ng NDRRMC inutos ng Pangulo ang lahat ng concerned government agencies sa agarang pagbuo ng El Niño team para makaresponde sa krisis.
Magugunitang iniulat ni Cayanan na tataas ng 80 percent ang occurrence ng El Nino phenomenon sa Hunyo, Hulyo at Agosto at tataas ng hanggang 86 percent para sa buwan ng Nobyembre, Disyembre at Enero.
“Bago po natin maramdaman iyong epekto nitong El Niño, which is less amount of rainfall in most areas of the country, mayroon pa po tayong tag-ulan,” ani Esperanza.
Kabilang naman sa dumalo sa pulong ay ang mga pinuno ng Department of National Defense (DND), DOE, DENR, DOST, NDRRMC, Department of Agriculture (DA), DOH, NIA, National Water Resources Board (NWRB), at MWSS.
EVELYN QUIROZ