INIUTOS ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na bumuo ng hiwalay na task force para imbestigahan ang sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Abalos, inatasan niya na mag-report sa DILG ang sinibak na regional director ng Central Luzon kaugnay ng operasyon ng naturang POGO facility.
Iginiit ng kalihim na nais niyang ma-verify kung totoo na walang permit ang naturang POGO hub at kung paano ipinagpatuloy ang operasyon nito sa Porac, Pampanga.
Magiging batayan ng imbestigasyon ng task force ang irerekomenda ng DILG kung may mga opisyal na dapat managot sa operasyon ng Pogo hub.
Inamin ni Abalos na ikinabahala niya ang mga nakitang uniporme na may markang People’s Liberation Army sa ni-raid na POGO hub dahil kapag napatunayan na lehitimo ang mga ito ay malaking banta sa seguridad ng bansa.
Itinuturing naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. bilang “national security concern” ang operasyon sa bansa ng mga illegal POGO.
Ayon kay Teodoro, ito ay dahil sa may sindikatong kriminal na nagpapanggap na mga POGO.
Ang lehitimong POGO ay dapat nag-ooperate ng online-betting para sa mga dayuhan sa ibang bansa subalit ang ginagawa ng mga sindikato na nagpapanggap at sa Pilipinas kumukuha ng mga taya.
Iginiit ni Teodoro na kailangang ipatigil ang “syndicated criminal activities” na nag-ooperate sa loob ng bansa dahil sinisira nito ang lipunan at pinahihina ang financial standing at country rating ng Pilipinas.
Inihayag ni Teodoro na pinag-aaralan na ng awtoridad ang mga ebidensya na nakuha sa POGO raid sa Pampanga at Tarlac.
EUNICE CELARIO