(Iniutos ni Duterte) TRAVEL BAN SA MGA GALINGNG HUBEI

DUTERTE-52

IPINAG-UTOS na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng travel ban sa mga Chinese nationals na ga­ling ng Hubei province at iba pang lugar sa China na may naiulat na mga kaso ng novel coronavirus (nCoV).

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagdesisyon ang Pangulong Duterte kaugnay sa travel ban base sa rekomendasyon ni Health Secretary Francisco Duque III.

“The first case of nCoV in the country raises “serious concern” by the government on the health and safety of the Filipinos,” wika ni Panelo.

Kaugnay nito ay inatasan na rin ng Pangulong Duterte ang Department of Health (DOH) na simulan na ang pagpapatupad ng mga protocol upang matiyak na mako-contain ang paglaganap ng nabanggit na sakit at hindi na ito kumalat at makahawa pa ng ibang inosenteng indibiduwal.

“The President has issued a travel ban to Chinese nationals coming from the Hubei province of China where the nCoV originated, as well in other places  in China where there is a spread of the disease,” sabi ni Panelo.

Ang naturang travel ban ay mananatili hanggang hindi pa natitiyak na ligtas na nga ang bansa sa pagpasok at pagkalat ng nCoV kung saan ang pangunahing nasa isip ng Chief Executive ay ang kaligtasan ng bawat mamamayang Filipino.

“The DOH assures us that every measure is being undertaken to contain the spread of the dreadful virus as well as monitoring and placing in quarantine those showing of symptoms of having nCoV,” giit pa ni Panelo.

Nauna nang kinumpirma noong Huwebes ng DOH ang unang kaso ng nCoV kung saan ang babaeng Chinese na bumiyahe galing sa Wuhan na siyang epicenter ng nCoV, ay nagtungo sa Hong Kong at tumuloy sa Cebu at pagkaraa’y sa Dumaguete bago lumapag ang sinakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport.

Ang naturang babaeng Chinese ayon kay Panelo ay kasakukuyang naka-confine  at masusing inoobserbahan sa San Lazaro Hospital sa Maynila. EVELYN QUIROZ 

MAY TRANGKASO MANATILI NA LANG SA BAHAY–DOH

Hinikayat ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga indibiduwal na nakararamdam ng mga sintomas ng trangkaso na manatili na lamang muna  sa kanilang mga tahanan at umiwas sa matataong lugar.

Ayon kay Duque, kung may sakit ay mas makabubuting magpahinga na lamang upang mapabilis ang kanilang paggaling at makaiwas na makahawa pa ng ibang tao.

“Kung may mga ubo’t sipon sila, huwag na muna silang pumunta sa mga matataong lugar katulad ng mga jeep,” ani Duque.

Kasabay nito, muling pinaalalahanan ni Duque ang publiko na isa sa mabisang paraan upang makaiwas sa nCoV infection ay ang pagkakaroon ng tamang personal hygiene gaya ng palagiang paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol, at pagtatakip ng bibig gamit ang tissue o panyo kung uubo at babahing.

Mas mainam rin  kung magkakaroon ng healthy lifestyle upang lumakas ang kanilang resistensiya at hindi madaling mahawahan ng anumang sakit.

Matatandaang nitong Huwebes ng hapon ay kinumpirma na ng DOH na nakapasok na sa bansa ang novel coronavirus.

Sa kabilang dako, nananawagan si Duque sa publiko na manati­ling kalmado at maging vigilante at magsagawa ng mga hakbangin at mga kaukulang pag-iingat upang hindi mahawahan ng virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ

GOBYERNO MAGHANDA SA NCOV–IMEE

BINIGYANG-diin ni Senadora Imee Marcos na dapat paghandaan ng gobyerno ang novel coronavirus o 2019-nCoV na idineklara na ng World Health Organization (WHO) bilang isang Public Health Emergency of International Concern.

Nakumpirma ang bagsik ng 2019-nCoV sa report ng European Centre for Disease Prevention and Control matapos itong makapagtala ng 7,800 kaso ng impeksiyon nitong Ene­ro.

Ayon naman sa report ng Johns Hopkins University, umabot ng anim na buwan bago naitala ang 5,000 kaso ng SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome na tuma­gal mula November 2002 hanggang July 2003.

“Napakabilis ng pagdami ng mga kaso ng impeksiyon hindi lang sa China kundi sa buong mundo. Ibig sabihin nito ay maaaring tumagal pa ng ilang buwan ang problema.  Sana lang ay hindi ma­damay ang ating mga OFW sa iba’t ibang bansa,” ani Marcos.

Iginiit ng senadora na  limitado ang kapasidad ng bansa dahil umaasa lang ito sa mga dayuhang dalubhasa para makumpirma ang mga kaso ng 2019-nCoV.

Aniya, kailangan ng mas agresibong mga hakbang para labanan ang sakit at hindi lang puro payo na magsuot ng mask, maghugas ng kamay at mag-dasal.

At dahil posibleng hindi na umabot ang planong pagpapalikas sa mga Filipino sa Wuhan dahil naisara na ang time window para sa repatriation, dapat simulan na ng gobyerno ang pagtiyak sa 150 OFWs na sila ay makatatanggap ng tuloy-tuloy na access to health and diplomatic aid.

Kasabay nito, hi­nimok ni Marcos ang mga Pinoy sa Wuhan na ihanda ang kanilang mga sarili na mawalay pansamantala sa pamilya sakaling makauwi sila sa bansa dahil kailangan silang sumailalim sa quarantine. VICKY CERVALES

Comments are closed.