QUEZON-DALAWANG inmates ng New Bilibid Prison (NBP) na benepisyaryo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang boluntaryong sumuko sa Quezon PNP nitong nakaraang araw.
Sumuko kay PCAPT.Lope Liwanag III COP ng San Francisco-PNP nitong Lunes si Generoso Moreno Rolida, 40-anyos, residente ng Brgy.Don Juan Vercelos, San Francicco, Quezon na may kasong murder at nasentensiyahan ng reclusion perpetua at may prison number N205P-2350 at pinalaya noong Hulyo 6, 2017 sa pamamagitan ng GCTA.
Kasunod nito, sumuko naman sa San Andres PNP si Ruben Alberto Alarcon, 62-anyos, residente ng Brgy. Mangero, bayan ng San Andres na nahatulan ng RTC Branch 58 Lucena City noong Hulyo 31, 1995 ng reclusion perpetua dahil sa kasong murder.
Nakulong ito sa Bureau of Corrections (BuCor) at inilipat sa Iwahig PenalColony, Puerto Princesa City bago pinalaya sa pamamagitan din ng GCTA noong Marso 12, 2019.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon PNP ang dalawang sumukong inmates at inaayos na ang mga kaukulang dokumento para ito at mailipat sa pangangalaga ng NBP sa Muntinlupa City. BONG RIVERA