INSIDE JOB SA SKYWAY ROBBERY HOLDUP TINUTUTUKAN NG PNP

IPINAHAYAG ng pamunuan Philippine National Police (PNP) na tinututukan ang anggulo na inside job ang nangyaring “Skyway robbery holdup” kamakailan matapos na maaresto ang dalawa sa anim na suspek na nasa likod nito.

Ang mga suspek na sina Joland Cabotaje at Anjo Sodoma ay naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Office (NCRPO) sa magkahiwalay na operasyon.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo , nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa anggulong inside job dahil lumalabas na natiktikan ang mga dayuhang biktima na may bitbit na malaking halaga ng pera mula sa isang Casino.

Lumalabas na modus ng mga suspek na harangin ang sasakyan ng mga biktima sa Skyway at papalakulin ang salamin ng passenger side upang mabuksan ang pintuan saka tatangayin ang pera.

Nabatid na umabot na sa P134 milyon ang nakuha ng mga suspek mula sa kanilang mga biktima na pinaniniwalaang panalo ng mga ito sa Casino.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Security Management ng Casino na pinanggalingan ng mga biktima dahil maliban sa dalawa, may lima hanggang anim pang hinahabol ang mga pulis na kasabwat ng mga ito.

Nasamsam ng mga pulis kay Sardoma ang isang hand grenade na nagsilbing driver ng sports utility vehicle (SUV) at nakatutok sa mga biktima sa labas ng casino hotel kung saan isa ang SUV sa mga sasakyang sangkot sa robbery sa Skyway.

Nakuha naman mula kay Cabotaje ang isang baril.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng NCRPO na magpinsan sina Cabotaje at Sardoma.

Batay sa record, dakong ala-5:30 ng hapon ng Agosto 22, 2022 nang makuhanan sa dashcam footage ng isang motorista ang lantarang panghoholdap at pagnanakaw ng mga suspek sa isang sasakyan sa kahabaan ng Skyway ramp.

Armado ng palakol at nakasuot ng bonnets at hoodies ang mga suspek nang iharang ang kanilang sasakyan sa kotse ng biktima at nakawan ng P10 milyon.

Isa pang insidente ang nangyari nitong Marso 12, kung saan hinarang ang sasakyan ng biktima sa Skyway at kinuha ang bag ng isang Koreano na naglalaman ng P7 milyon.

Patuloy ang imbestigasyon nito upang mahuli ang iba pang mga suspek.
EVELYN GARCIA