PARAÑAQUE CITY- IMINUNGKAHI ng mga opisyales ng homeowner’s association ng Multinational Village sa lokal na pulisya ng Parañaque ang pagsasagawa ng panibagong inspeksyon makaraang muling makatanggap sila ng impormasyon na may nagpapatakbo ng underground Chinese clinics sa kanilang subdibisyon.
“Kung meron pang natitirang illegal Chinese clinic o hospital sa loob ng Multinational Village, i-raid na natin lahat para matapos na rin ito ngayon,” ani Arnel Gacutan, presidente of Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHAI).
Noon lamang nakaraang Sabado ay ni-raid ng pinagsanib na puwersa ng City Health officials at ng Mayor’s team na pinamumunuan ni City Administrator Attty. Fernando ‘Ding’ Soriano sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya ang ikalawang ilegal na clinic sa loob ng naturang subdibisyon kung saan naiulat na ang ni-raid na clinic ay nagsisilbing gamutan at pagte-test ng coronavirus disease (COVID-19) na mga pasyente na karamihan sa mga ito ay pawing mga Chinese.
Sa naturang operasyon ay naaresto ang sinasabing namamahala ng naturang ilegal na clinic na si Cai Yongchun, 51, na ayaw namang magbigay ng pahayag sa pag-iimbestiga sa kanya.
Noon lamang Mayo 29, sinalakay ng National Bureau of Investigation-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) ang isang illegal underground na bahay sa Timothy Street, Multinational Village, Barangay Moonwalk, Parañaque City kung saan inaresto ang apat na Chinese nationals na sina Liang Junshai, Pingqiang Long, Yanyun Jiang, at Tang Hong Shan.
Sinabi ni Gacutan na nirerespeto ng MVHAI ang hurisdiksyon ng NBI sa paghawak ng naturang kaso. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.