INSTANT COFFEE: MAAARING MAGING BAHAGI NG SINING NGAYONG ARTS MONTH

KAPE-OBRA-1

(Text and photos by CYRILL QUILO)

NGAYONG buwan ng Pebrero ay hindi lamang ipinagdiriwang ang mga pusong umiibig at nagmamahalan. Ngayon ding buwan ipinagdiriwang ang Sining o Arts Month. Marami na ang sumikat na Pinoy dahil sa angking talento at galing pagdating sa sining.

Hindi nga naman maitatanggi ang talento ng bawat Pinoy. Sa pa­nahon din ngayon, hindi lamang mga kalalakihan ang nagpapakitang-gilas pagdating sa si­ning kundi maging ang mga kababaihan. Pantay na ang babae at lalaki. Kaya ng makipagsabayan ng mga kababaihan at hindi na kagaya ng dati na sinasabing pambahay lamang.

Malikhain nga naman ang mga Pinoy– lalaki man iyan o babae. Malikot ang imahinasyon  na ginagamit sa mga pang-araw-araw na gawain.

KAPE-OBRA-2Marami ring naiimbentong kakaibang si­ning na hindi mo aakalain. Kumbaga, hin­di lamang ang nakagawian o nakasanayan nating bagay o ginagamit sa pagguhit o paggawa ng obra ang nagagamit, kundi maging ang mga bagay na ginagamit natin sa pang-araw-araw. Isang ha­limbawa na nga rito ang kapeng barako, atsuete, uling, bulaklak, dahon at ang abo mula sa pumutok na Bulkang Taal.

At ngayon nga, isa na ang 3-in-1 na kape sa puwedeng magamit upang makabuo o makalikha ng isang obra. Paborito ng marami ang kape ngayong malamig ang panahon. Ngunit hindi lamang ito pampainit ng kabuuan at pampagising ng tutulog-tulog na utak sapagkat ginagamit na ito ng ilan sa ating kababayan upang makalikha ng katangi-tanging obra.

Sa usapang kape, marami na ang nagsusulputang brand at flavor.  Sa dami nga, halos hindi na tayo makapamili. Pero hindi lamang masarap na kape ang hanap ng isang artist mula sa Calamba, Laguna, dahil ginamit niya ang kape upang maipamalas ang kanyang kakayahan sa pagpipinta gamit ang natu­rang inumin. Ang artist na ito ay si Che Mendoza na sinubukang gumamit ng 3-in-1 na kape. Bukod sa 3-in-1 coffee, sinubukan din niya ang paggamit ng flavored cappuccino. Gamit ang brush at kape, nakabuo siya ng isang obra.

Noong siya ay bata pa at nag-aaral ng Fine Arts sa UP Diliman, sariling lapis lamang ang bitbit niya at nanghihiram sa kanyang mga kaklase ng gamit sa pagpipinta dahil sa salat siya sa kagamitan.

Nang natapos niya ang kanyang propesyon, nagsimulang gumuhit at nagsanay gumawa ng iba’t ibang obra gamit ang water color, oil paint, oil pastel, chalk pastel, acrylic, leather paint, turmeric at nga­yon nga ay 3-in-1 coffee.

Pambihira at kakaibang obra ang kanyang natuklasan gamit ang  3-in-1 cappuccino coffee.

Hindi ito tulad ng ka­peng barako na halos nagsulputan na kahit saan.

Ang ilan sa mga obra ni Che Mendoza ay nakarating na sa Hawaii. Doon ay una na niyang ipinamalas ang kanyang angking galing sa napi­ling larangan.

KAPE-OBRA-3Nakatakda namang muling mag-exhibit dito sa Filipinas si Che Mendoza at nais niyang ipakita  sa mga kababayan ang kanyang mga obra sa darating na Marso sa pakikipagtulungan ng Calamba Cultural Heri­tage and Historical Society sa Museo ni Jose Rizal sa Calamba, Laguna.

Ang exhibit na ito ay bilang bahagi ng Arts Month. Ipamamalas ni Che ang kanyang sari­ling gawa na hindi lamang ipagmamalaki ng bansa kundi kayang ipagmalaki maging sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi na nga naman maitatanggi ang pagi­ging creative ng mga Filipino.

Patunay rito ang mga artist na patuloy na tumutuklas ng ibang bagay na maaaring magamit sa pagbuo ng kakaiba at napapanahong obra.

Ang kape ay hindi lamang pagtangkilik ng sariling atin, karapatdapat din na ipagmalaki ang mga artist sa ating bansa ano mang lara­ngan ang kanilang pinili. Kung ang kape ay bahagi na ng buhay ng tao, na­ging bahagi na rin ng ating kultura at kasaysayan.

Comments are closed.