INSTANT NOODLES ‘DI KASAMA SA TAAS-BUWIS

HINDI kabilang ang Instant noodles sa mga papatawan ng mas mataas na buwis sa kabila ng mataas na sodium content nito, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.

“If you’re thinking of the noodles, ‘yun talaga salty ‘yun. That’s 60% sodium [content]. Hindi naman iko-cover ‘yun. ‘Yun ang talagang [para] sa mga mahihirap,” pahayag ni Diokno.

Napag-alaman na ang isang pakete ng instant noodles, na pangunahing pagkain ng maraming mahihirap na pamilya, ay karaniwang naglalaman ng 1,500 milligrams (mg) hanggang mahigit 2,000 mg ng asin, gayong ang inirerekomendang maaaring ikonsumo ng isang tao ay mas mababa sa 2,300 mg kada araw.

Itinutulak ng kasalukuyang administrasyon ang pagpasa ng bagong tax measures ngayong taon, partikular ang pagpapataw ng dagdag-buwis sa sweetened beverages at junk food sa layuning matugunan ang diabetes, obesity, at non-communicable diseases na may kaugnayan sa poor diet.

Plano ng Department of Finance (DOF) na magpataw ng P10 per 100 grams o P10 per 100 milliliters tax sa pre-packaged foods na kulang sa nutritional value, gaya ng confectioneries, snacks, desserts, at frozen confectioneries na lumampas sa itinakdang thresholds ng Department of Health (DOH) para sa fat, salt, at sugar content.

Nakikipag-ugnayan na ang DOF sa National Nutrition Council at sa DOH para sa listahan ng naturang mga pagkain.
Subalit sa kasalukuyan, sinabi ng Finance chief na ang listahan ay maaaring kabilangan ng snacks at chips.