PINAMAMADALI na ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin sa Kamara ang pag-apruba sa panukalang naglalayong palakasin ang financial at organizational capacity ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Kasunod ito ng pananalasa ng mga Bagyong Quinta at Rolly na namerwisyo nang husto sa sektor ng agrikultura.
Layon ng House Bill 7627 na itaas ang capital stock ng PCIC mula P2 billion sa P10 billion.
Iginiit ni Garin na kung tataasan ang capital stock ng PCIC ay agarang matutulungan ang mga maliliit na magsasaka at mangingisda.
Sa ilalim ng panukala ay obligado ang PCIC na i-insure ang mga ari-arian at mga pasilidad ng gobyerno na ginagamit sa agriculture-fishery-forestry projects.
Nakasaad din dito ang extension ng reinsurance coverage para sa pananim na palay at mais, high-value commercial crops, livestock, aquaculture and fishery products, agroforestry crops, at forest plantations.
Isa rin sa mahahalagang probisyon ng panukala ang pagpapahintulot sa PCIC na palawigin ang life at accident insurance coverage para sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang mga dependent. CONDE BATAC
Comments are closed.