IPINUNTO kamakailan ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na posibleng makamit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang insurgency-free na Pilipinas sa taong 2028.
“Nakita ko sa assessment ko, it is very achievable kasi nakikita natin maganda ang pinapatunguhan ng ekonomiya ng ating bansa,” wika ni Galvez sa news forum sa Quezon City.
Ayon sa kalihim, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang nagsisilbing susi upang maisakatuparan ang layuning ito.
“At the same time, nakita natin na the national agencies are now getting together to have a convergence to solve the basic issues and the drivers of conflict,” dagdag pa nito.
Pinuri ni Galvez ang AFP at PNP sa kanilang walang humpay na pagsusumikap upang sugpuin ang puwersa ng mga rebelde sa buong bansa.
Binigyang-diin nito na mula sa dating 80 guerrilla fronts sa buong bansa, ang natitirang mga aktibong grupo ay makikita na lamang ngayon sa iilang piling lugar partikular sa Samar, Bicol at Negros.
Bukod pa rito, karamihan sa mga rehiyon ngayon ay ibinubuhos na ang kani-kanilang mga resources sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kaunlaran. RUBEN FUENTES