MAITUTURING na major milestone sa Bangsamoro peace process ang integration ng ilang mga dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Philippine National Police (PNP).
Inihayag ni Secretary Carlito Galvez, Presidential Adviser on Peace, Reconciliation & Unity na malaking tulong na magkatuwang na ngayon sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pulisya at mga dating kasapi ng MILF at MNLF.
Sinasabing pagpapatunay lamang ito na ang pakikipag dayalogo sa mga dating rebelde ay mas mainam kaysa sa pag aaklas o madugong pakikipagdigma.
Base sa pinakahuling datos ng PNP, pasok na sa clean list ng kanilang police recruitment process ang nasa 200 dating rebelde.
Nabatid din na patuloy ang ginagawang pagsala para sa ikalawang batch ng mga dating rebelde para tuluyang silang mapabilang sa national police force.
Matatandaan na ang pagpasok ng MILF at MNLF sa PNP ay sakop ng Republic Act 11054 Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos ang paglagda sa peace agreement.
VERLIN RUIZ