INTEGRITY, HONESTY HILING NI PBBM SA PNP

PINANGUNAHAN kahapon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang ika-121 Police service anniversary ng Philippine National Police sa PNP National Headquarters sa Camp Crame.

Sa kanyang first official visit sa Camp Crame nitong Lunes ay nanawagan si PBBM sa mga tauhan ng PNP na panatilihin ang integridad sa kanilang hanay at huwag hayaang mamayani ang dishonesty at pag-abuso sa kanilang tungkulin.

Inilatag ng Pa­ngulo ang kanyang po­licy guidelines para sa 227,000-strong police force na nagdaraos ng kanilang founding anniversary para sa dating Philippine Constabulary na itinatag noong Agosto 8, 1901 na may Temang: “Matibay na Ugnayan ng Pulisya at Mamamayan, Tungo sa Pagkakaisa, Kapayapaan at Kaunlaran.”

Kinilala rin ni Marcos ang kabayanihan ng mga pulis bilang frontliners ng bayan, hindi lamang sa pagtaya ng kanilang buhay para matiyak ang peace and order kung hindi pati na sa pagtupad ng iba pang tungkulin para sa bayan.

Binati rin ni PBBM ang bagong talagang PNP chief dahil sa pagtanggap nito ng hamon na pangunahan ang Pambansang Pulisya.

Tampok sa ginanap na okasyon ang framework na inilatag ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang tinaguriang “Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran” (MKK=K)

“As we celebrate this auspicious day, we also honor and pay tri­bute to our fallen police officers, our unsung heroes, whose legacy, exceptional dedication to duty, selfless service, and unconditional love and sacrifices for our country and countrymen are forever etched in the colorful history of the PNP,” ayon kay Azurin .

Bahagi rin ng programa ang gagawing pangunguna ni Pangulong Marcos Jr. sa pagbibigay ng gawad at pagkilala sa mga natatanging kawani at opisyales ng PNP kasama si Interior and Local Go­vernment Secretary Benjamin Abalos Jr.

Sa pagdalo ni Pangulong Marcos sa ika-121 police service anniversary, hinamon nito ang mga kawani ng PNP na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para maging isang public servant pero hindi dapat isinasaalang-alang o isinasakripisyo ang kanilang integridad.

Ayon pa sa pa­ngulo, kinakailangang magkaisa ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya para labanan ang pagkakawatak-watak at kaguluhan.

Kasunod nito, si PBBM din ang nanguna sa ginanap na Change of Command Ceremony o ang pagpapalit sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Mauupong ika-58 AFP chief ang Medal of Valor Awardee na si Lt. Gen. Bartolome Bacarro at kauna-unahang pinuno ng AFP na magsisilbi sa hukbo na may 3-year fixed term sa bisa ng RA 11709.

Si Bacarro ay 55 taong gulang at magreretiro sana sa September 18 subalit mag-e-extend ito ng hanggang 2025 sa serbisyo dahil sa fixed term para sa AFP chief. EUNICE CELARIO/ VERLIN RUIZ