INTEL MONITORING SA SONA PINAIGTING NG PNP

HINDI nagpapakampante ang pamunuan ng Philippine National Police sa kanilang ginagawang paghahanda kaugnay sa gaganaping ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa darating na Hulyo 22 sa kabila ng mga nakaambang mga kilos protesta.

Ayon sa pambansang pulis, sa kasalukuyan ay wala silang namo-monitor na validated threat o seryosong banta sa nalalapit na SONA ng Pangulong Marcos.

Subalit, tiniyak ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, sa kabila nito ay hindi pa rin sila magre-relax kaya inutos nitong paigtingin ang kanilang intelligence monitoring .

Una nang inihayag ng PNP na nasa 22 libong pulis ang ikakalat sa paligid ng Batasan Complex, sa mga lugar na posibleng maging tagpuan ng mga militanteng grupo at mga hangganan papasok at palabas ng Metro Manila.

Bukod pa rito, ang pagtatalaga ng Armed Forces of the Philippines ng sapat na puwersa mula sa kanilang Joint Task Force -NCR bukod pa sa standby augmentation force na ihahanda ng AFP General Headquarters at tatlong major services nito.

Sa gitna ng inaasahang kaliwa’t kanang kilos-protesta ng iba’t ibang mga grupo ay naglabas ng direktiba si Marbil sa pulisya na pagpapairal ng maximum tolerance sa hanay ng mga raliyista na makikisabay sa ikatlong SONA ni Pangulong Marcos Jr..

Ayon kay Marbil, nais nilang mairaos ng maayos ang SONA ng Pangulo nang walang gusot sa pagitan ng mga pulis at sa, hanay ng militante.

Sinabi pa ni Marbil na ang posibleng epekto lang sa trapiko ang pag -aaralan ng mga awtoridad upang hindi mahirapan ang mga mananakay habang tinutukoy na rin ang mga designated area para sa mga raliyista.

Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang militanteng grupo para walang misinformation pagdating sa mga inaasahang kilos-protesta. VERLIN RUIZ