NILINAW kahapon ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na wala pang verified information kaugnay sa ulat na may mga grupong nagbabalak na magsagawa ng panggugulo o pananabotahe para ipahiya si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kanyang oathtaking sa darating na Hunyo 30.
Ito ay kasunod ng umano’y intelligence report na natanggap ni dating Senador Juan Ponce Enrile na may mga grupo sa Amerika at Pilipinas na planong mamahiya kay BBM na kasalukuyan ng bineberipika ng DILG.
Sa ginanap na press conference sa Kampo Crame, sinabi ni Año na iba-validate pa nila ang naturang report subalit sinisiguro nito na handa ang Philippine National Police (PNP) na magbigay seguridad sa susunod na Pangulo ng bansa.
Patuloy din umano ang ginagawa nilang monitor sa lahat ng grupo na pwedeng manggulo kay Marcos kasama na ang CPP-NPA.
Una ng ibinunyag ni dating Senador Juan Ponce Enrile na may natanggap siyang ‘credible information’ ukol sa balakin na ipahiya si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Enrile na grupo sa US at dito sa Pilipinas ang nagbabalak at naghahanda na para guluhin ang bagong administrasyon.
Payo pa niya sa mga uupong national security officials, sa halip na makipag-kaibigan sa mga mahilig at madalas manggulo sa bansa, mas makakabuti kung pagbubutihin nila ang pangangalap ng intelligence information.
“I just picked up what I consider to be a credible information that there are groups in America and in the Philippines planning and preparing to cause serious embarrassment and trouble for our newly elected President,” ani Enrile.
“Caution is the name of the game. You are just starting your travel in troubled waters. Your adversaries have not stopped,” dagdag pa ng namuno sa pagpapatalsik kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986.
Kaugnay nito inihayag ni PNP Director for Operations Police Major General Val de Leon, na titiyakin ng PNP na maging mapayapa ang gagawing inagurasyon ng mga susunod na lider ng bansa.
Nakatakda ring magpakalat ang PNP ng kanilang Civil Disturbance Management Team sa mga strategic area malapit sa lugar ng inagurasyon.
Ito’y para magkaroon ng crowd control sa lugar at maiwasan ang kaguluhan.
Nabatid na nagpatupad ng gun ban sa Davao at ipatutupad din ito sa Metro Manila para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.
Kaugnay nito, pinag-aaralan naman ngayon ng PNP ang paglalagay ng billboard screen sa labas ng venue ng inagurasyon nina Marcos at Duterte nang sa gayon ay mapanood ito ng mga taga-suporta.
VERLIN RUIZ