INTEL TAX DRIVE NG BIR PINALAKAS

MARIIN ang kautusan ni Finance Secretary Benjamin Diokno kina Bureau of Internal Revenue Commissioner Lilia Catris Guillermo at Deputy Cmmissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. na palakasin ang intelligence tax campaign ng BIR sa buong bansa sa harap ng bumabagsak na tax collections nito upang mahabol ang tax shortfall bago matapos ang taong 2022.

Sa harap ito ng planong pagbawi sa issuance ng Letter of Authority (LOA) na siyang ugat ng mabilis na pagbagsak ng tax collections matapos suspindehin ni former BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang anumang uri ng tax investigations o pag-iisyu ng LOA para imbestigahan ang taxpayers na hinihinalang hindi nagbabayad, nandaraya o hindi tumutupad sa kanilang yearly tax obligations.

Ikinasa nina National Capital Region Revenue Regional Directors Gerry Dumayas, Albin Galanza, Dante Aninag, Bobby Mailig, Ed Tolentino, at Jethro Sabariaga ang pinaigting na intelligence tax drive sa buong Metro Manila.

Sinabi ng mga opisyal na ang operasyon ay bilang paghahanda sakaling bawiin na ni Commissioner Guillermo ang suspension ng LOA ni dating Commissioner Dulay. Maaari lamang bawiin ni Comissioner Guillermo ang suspension ng LOA sa sandaling matapos o maubos ang lahat ng nakabimbing tax cases o yaong tinatawag na tax prescribing cases.

Habang nakabimbin ang pagbawi sa audit ban, iniutos ni Commissioner Guillermo, alinsunod sa direktiba ni Secretary Diokno, na ituon ang aktibidad ng Revenue District Officers (RDOs) sa buong kapuluan sa pagmamanman sa lahat ng business establishments at mga paraan sa kung paano makalilikom ng karagdagang buwis upang makuha, mahigitan o matamo ang tax collection goal bago matapos ang taong 2022.

Ang malawak na operasyon ng BIR ay hindi lamang sa datos o pinagsama-samang impormasyong galing sa mga kliyente, kundi sa iba pang malalaking data source gaya ng local government units, Bureau of Customs, National Economic Development Authority, Department of the Interior and Local Government, Department of Trade and Industry at DOF sa layuning maitama ang financial statements ng mga mangangalakal o negosyante sa pagbabayad ng buwis.

Sa hinaharap na implementasyon ng 10 to 15 years Digital Transformation (DX) Road Map ng BIR, umabot na sa kabuuang 49 ang proyekto nito sa 1st phase at 14 dito ang nailunsad at naipatupad na simula pa noong last quarter ng 2021, ayon sa projection efforts report nina Metro Manila top ranks RDOs Rodel Buenaobra, Arnold Galapia, Tony Ilagan, Antonio Mangubat, Alma Cayabyab, Cynthia Lobo, Abdulah Bandrang, Deo Villar, Betsheba Bautista at iba pa.

Ang DX (digital transformation) sa bansa ay hango sa tax format ng bansang Singapore na siyang dahilan ng pagtaas ng kanilang taunang digitalized tax collections program na hinangaan sa buong mundo.

Bago bumaba sa puwesto si Dulay, sinuspinde niya, effective May 20, 2022, ang lahat ng pending LOA, tax-mapping at iba pang tax investigations dahilan upang maapektuhan ang koleksiyon ng buwis.

Saklaw ng utos ni Commissioner Dulay ang suspensiyon sa audit, field operations, investigation, mission order, tax-mapping at iba pa. Nauna nang binawi ni Commissioner Guillermo ang suspension ng tax-mapping, issuance ng mission orders at iniutos na linisin ang listahan ng mga prescribing tax cases bago bawiin ang suspension ng LOA.

Ang nasabing kautusan ni Commissioner Dulay ay nilalaman ng Revenue Memorandum Circular No. 77-2022.

Ang suspension ng LOA ang siyang ugat ng mabilis na pagbagsak ng tax collections sa regional at district levels at naapektuhan na rin ang Large Taxpayers Service na may mandatong kumolekta ng 60% ng kabuuang tax revenue goal.

Ang orihinal na tax collection goal ng BIR ngayong fiscal year ay umaabot sa P3.12 trilyon, mas mataas ng 12.4% kumpara sa nakaraang goal na P2.942 trilyon o 12.42% ang taas kumpara sa nagdang taon.