AGAD na ipinag-utos ni Philippine National Police chief General Oscar Albayalde na higit na palakasin ang kanilang intelligence network sa buong Filipinas at sa kanilang mga counterpart sa ibang bansa.
Ito ay kasunod ng naganap na serye ng pagpapasabog sa Sri-Lanka na kumitil ng may 200 katao nitong Pasko ng Pagkabuhay kung saan nagpahatid ng pakikisimpatiya ang PNP sa mamamayan ng Sri Lanka at kahandaan tumulong sa kanilang makakaya.
Sa ginanap na pulong balitaan kahapon sa Camp Crame, inihayag ni Gen Albayalde na ipinag-utos niya na mas lalo pang paigting ang intelligence monitoring upang hindi malusutan ng mga terorista.
Bagama’t nilinaw ni Albayalde na wala silang nakakalap na direkta o validated threat.
Sinabi pa ng opisyal na may mga hakbangin na at paghahanda ang pulisya sa mga posibleng insidente ng pag atake ng mga terorista sa bansa.
Paliwanag pa ni Albayalde, ang kanyang kautusan hinggil sa pagpapalakas ng intelligence monitoring ay bunsod na rin ng kaniyang babala gaya sa mga kaganapan sa Syria.
Posible umanong magbalikan ang mga terorista o ISIS na nagpunta sa Syria sa kanikanilang mga bansa o kaya ay magtago sa mga bansang maaring pagkanlungan at hindi maaalis ang posibilidad na kabilang dito ang Filipinas.
May mga hakbangin at paghahanda ang pulisya sa mga insidente ng pag-atake ng mga terorista.
Samantala, sa kalakhang Maynila ay nanawagan naman si National Capital Region Police Office chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar na maging mapagmatyag laban sa mga kahina-hinalang kilos at bagay sa kapaligiran.
Nilinaw ni Eleazar, sunod-sunod ang simulation activities ng NCRPO nitong nagdaang mga linggo para matiyak ang kahandaan ng mga otoridad kapag may nangyari na mga pag-atake.
Anumang kahina-hinalang bagay, o kapag may kahina-hinalang indibidwal ay dapat agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad, paalala pa ni Eleazar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.