ITUTULOY tuloy ng Philippine National Police ang simulang intensified police visibility at target hardening upang matiyak ang seguridad at peace and order hanggang sa nalalapit na yuletide season.
Kasunod ito ng ginawang kautusan ni PNP chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng mga chief of police at unit commanders na bantayan ang mga matataong lugar sa kanilang mga areas of responsibilities (AOR) lalo na ang tourist spots at malls.
Ito’y dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at iba pang pampublikong lugar.
At dahil sa nalalapit na rin ang holiday season, inatasan din ni Eleazar ang mga unit commander na paigtingin pa ang police visibility at ipagpatuloy ang kanilang patrolya para maiwasan ang street crimes lalo at marami na sa mga kababayan natin ang maaring lumabas ng kanilang mga bahay.
Sa tuwing holiday season kasi tumataas ang kaso ng street crimes.
Siniguro naman ni Eleazar na hindi hahayaan ng PNP na makaporma ang mga kriminal sa kanilang masasamang plano.
“Inaasahan natin na mas magiging aktibo ang masasamang loob ngayong mas marami na sa ating kababayan ang nakalabas at papalapit pa ang kapaskuhan. Sinisiguro ko sa publiko na hindi hahayaan ng ating kapulisan na makaporma itong mga nasa likod ng krimen sa lansangan,” pahayag ni Eleazar.
Pinaalalahanan din ng PNP chief ang publiko na alamin muna ang requirements bago bumisita sa mga pasyalan para maiwasan ang aberya.
May mga pasyalan umano kasi na nangangailangang magpakita ng vaccination cards habang ang iba naman, hindi pinahihintulan ang pagpasok ng mga bata o menor de edad.
Pinaalalahahan din ang publiko na maging maingat lalo na kapag nasa lansangan.
Magugunitang unang nag-deploy ang PNP ng skeleton force sa mga sementeryo para tiyakin na walang makakapasok base sa itinakdang mga araw .
Plano ng PNP na ituloy-tuloy ang inilatag nilang seguridad kaugnay sa nalalapit na kapaskuhan.
VERLIN RUIZ