PATULOY ang pagtaas ng presyo ng bilihin sanhi ng medyo mataas na inflation rate na tila ba walang tanda ng pagbaba.
Kahit umaaksiyon naman ang gobyerno, parang sadsad pa rin ang mga mamamayan sa kakarampot na badyet.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na halos lahat ay apektado lalo na ang mga mahihirap na Pilipino.
Kaya kinakailangan daw na maging mapanuri ang lahat.
Sinasabing laganap ang kahirapan sa bansa.
Mas matindi naman ang dinanas ng mga Pinoy noong kasagsagan ng pandemya.
Sabagay, kahit na hindi pa nananalasa ang pandemya noong 2020, marami na ang dumaraing sa hirap ng buhay.
Kaliwa’t kanan ang dumaranas ng gutom.
May mga nagsasabi pa nga na isang beses na lamang silang kumain sa maghapon.
Subalit tinututukan naman ng pamahalaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang hamon gaya ng inflation.
Sa katunayan, ipinag-utos ni PBBM ang pagbuo ng permanenteng inter-agency body na tutugon sa mataas na inflation sa bansa at magsisilbing ‘early warning system’ para sa ‘supply and demand situations’ upang tugunan ang presyo at supply shocks.
Tinawag na Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook, ang lupon ay pamumunuan ni Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno habang si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang co-chair at vice chair naman si Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman.
Kabilang sa mga miyembro ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Science and Technology (DOST).
Sa usapin ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, masasabing normal lamang ang magkaroon ng inflation.
Kaya importanteng gumagawa ng mga krusyal na hakbang ang pamahalaan para sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipino at nang hindi naman sila masadlak sa mahirap na sitwasyon o ang pagtitiis.
Para naman sa ating mga kababayan, kung maaari ay alamin ang mga kaganapan at pagbabago ng mga presyo ng bilihin sa mga pamilihan, maging praktikal sa paggastos, at huwag iasa o isisi sa gobyerno ang lahat, partikular sa kalagayan ng ekonomiya.
Samantala, maganda at kapuri-puri naman ang isinusulong ni Pang. Marcos na National Land Use Policy matapos lumusot sa Kongreso ang panukala.
Nakatitiyak din daw si PBBM na makabubuti ito sa Pilipinas.
Kaya naman, tiniyak din ng Presidente na kanya itong bibigyang-pansin sapagka’t mahalaga, aniya, ito sa holistic national development ng bansa.
Inamin ni Pang. Marcos na mayroon siyang personal na kaalaman sa malaking epekto ng panukalang batas na ito sa sambayanang Pilipino.
Paano nga naman kasi, nagkaroon daw pala siya ng pagkakataong masuri ito noong siya pa ang chairman ng Senate Urban Planning, Housing and Resettlement Committee.
Sabi nga ng Chief Executive, napapanahon ang pagkakapasa ng nasabing bill.
Sakaling maisabatas, mahalaga raw na tiyakin din ng mga lokal na pamahalaan na ang kanilang physical o land use plans ay tumatalima at nakalinya sa pambansang plano.
Wala pang isang taon si Marcos sa puwesto ay ramdam na ramdam na ang kaliwa’t kanan niyang accomplishments.
Aba’y isa na nga riyan ang pagkakaresolba ng deka-dekadang usapin ukol sa kontrobersiyal na Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac.
Maipapamahagi na raw kasi ang nasa 450 land titles sa 450 farmer-beneficiaries sa loob ng dalawang linggo.
Well, sa totoo lang, kasama naman sa mga naging direktiba ni PBBM noong unang bahagi pa lamang ng kanyang panunungkulan ay resolbahin ang lahat ng agrarian reform cases.