INTER-CONNECTIVITY NG LAND, SEAPORT, AIRPORT PUSPUSAN

Clarita Carlos

KUMPIYANSA ang isang political scientist at UP professor na si Clarita Carlos na maisasakatuparan ang mga ipinagmamala­king Build Build Build project ng pamahalaang Duterte.

Sa ginanap na Busina Media Forum ay sinabi ni Carlos, isa sa mga consultant ng Department of Transportation (DOTR) na unti-unti nang naisasakatuparan ang 30 year road map ng pamahalaan bunsod ng may isang comprehensive plan kaugnay ng inter connectivity para mapadali ang transportation system sa bansa.

Aniya, puspusan ang mga isinasagawang railways o tatawaging MRT 7 na mag-uugnay mula sa Commonwealth, Quezon City patungong San Jose del Monte City,  Bulacan gayundin ang subway na patuloy na hinuhukay na bahagi ng master plan.

“Mangyayari ito within 5 to 10 years, may mga existing tayong railways na kinakailangan na lang i-enhance at pagdugtungin,” wika ni Carlos.

Umaasa si Carlos na sa pamamagitan nito ay pamamadaliin ang mga koneksiyon ng transportasyon mula sa land transportation, integrated bus terminals, pagpapalawak ng domestic at international airports, seaport para sa inaasam na integrated intermodality sa mabilis na paglalakbay ng publiko na nilalayon ng 2050 roadmap.

Kasunod nito, inirekomenda rin ni Carlos sa pamahalaan na gumawa na rin ng tinatawag na National Transportation Authority na siyang mamumuno at magbibigay ng desisyon kaugnay ng mga proyekto sa larangan ng transportasyon.

Aniya sa kasaluku­yan, maraming mga ahensiya ng pamahalaan ang nakikialam pagdating ng pagsasaayos ng transportasyon katulad na lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga local government units (LGUs) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Sinusugan din ito ni MMDA Assistant Secretary Celine Pialago na nagsabing maging ang ilang pribadong sektor ay kung minsan ay naglalagay rin o nagdo-donate ng traffic lights kung kaya’t hindi synchronized ang pagkontrol ng MMDA sa ilang lansangan ng Metro Manila.

Samantala, sinabi naman ni Pialago na magdaragdag ang MMDA ng mahigit 200 bagong CCTV cameras sa kahabaan ng EDSA.

Nasa 237 CCTV cameras pa lamang ang mayroon ang MMDA para sa pagmo-monitor ng EDSA. Kaugnay ito sa kanilang programang No Contact Apprehension Police ng MMDA upang maiwasan ang korupsiyon sa hanay ng mga traffic enforcer. BENEDICT ABAYGAR, JR.