Hindi bale nang madehado ang mga konsyumer sa mas mahal na koryente, basta makasigurado lang na makakuha ng kontrata sa Meralco.
Nagpataw ang Taguig City Regional Trial Court (RTC) ng temporary restraining order (TRO) sa Meralco na isagawa ang dalawang bidding ngayong buwan para sa 600 MW at 400 MW na karagdagang supply nito para sa susunod na taon.
Ito ay matapos magpetisyon ang operator ng Malampaya gas field na pinangungunahan ng Prime Energy na pagmamay-ari ni Enrique Razon.
Mukhang hindi na nakatiis at siya na mismo ang kumilos dahil walang nangyari pagkatapos manawagan ni Senator Alan Peter Cayetano noong nakaraang linggo na ipatigil ang CSP ng Meralco.
Ang kaduda duda rito ay ang First Gen ng mga Lopez, na interesado sa kontrata at kumukuha mismo ng fuel mula sa Malampaya, ay hindi naman humiling na ipatigil ang bidding.
Nag-iisang indigenous na pagkukunan ng natural gas dito sa Pilipinas. Ito ay ang Malampaya. Pero kung tunay na mas mura ang binebentang koryente mula sa mga plantang kumukuha ng fuel mula rito, bakit kailangan humantong sa korte ang kalagayan ng bidding?
Mukhang matindi ang pangangailangan na makasungkit ng kontrata sa Meralco para makabenta ng mas mahal na Malampaya gas.
Kung matatandaan sa nakaraang CSP ng Meralco para sa supply na 1,200 MW, natalo ang First Natgas dahil nag-alok ito ng pinakamataas na presyo na P8.45 per kWh kumpara sa alok ng South Premiere Power Corporation na P7.07 per kWh na siyang pinakamababa. Ito rin ay mas mataas kaysa sa P6 per kWh na aktwal nitong singil sa Meralco sa ilalim ng dati nitong kontrata.
Kung maaalala ni’yo rin noong Pebrero, lumitaw na mas mataas ang presyo ng koryente sa ilalim ng bagong Gas Sale and Purchase Agreement (GSPA) para sa natitirang gas mula sa Malampaya sa pagitan ng Lopez Group at ng grupo ni Razon.
Sa ilalim ng mga bagong GSPA, tumaas ng 12% ang presyo ng Malampaya gas ng Sta. Rita habang nagmahal ng halos 2% naman ang presyo ng Malampaya gas ng San Lorenzo. Parehong suplay pero magkaiba ang naging presyo.
Paano nangyari na mas nagmahal ang presyo kung pareho lang naman ang suplay?
Dahil dito, made-delay ang pag-secure ng suplay ng koryente para sa susunod na taon at baka mapilitan pang bumili ang Meralco sa WESM para sa tuloy-tuloy na serbisyo. Maiipit na naman ang mga konsyumer sa mas mahal na koryente salamat sa grupo ni Razon. Haaays!