INTERES SA SANGLA BINABAAN

Sangla

PASAY CITY- APRUBADO na ng Sangguniang Panlungsod ng Pasay (Pasay City Council) na tapyasan ang interes sa sangla ganoon din sa utang upang makatulong sa mga residente na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) bunsod ng pagsawata sa  corona-virus disease (COVID-19) pandemic.

Kasabay nito ay hinimok naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga may-ari ng bahay sanglaan na huwag naman sanang gipitin ng mga ito ang mga taong nagsangla sa kanila ng kung anumang bagay sa pamamagitan ng pagbaba ng singil sa interes na kanilang pinapataw.

Ang aksyon ni Calixto-Rubiano ay bunsod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa Republic Act (RA) 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.

Nakasaad sa naturang ordinansa na karamihan sa mga pamilya lalo na ang mga napapabilang sa nagtatrabaho at informal sectors, ay hindi nabigyan ng oportunidad na kumita upang masuportahan ang kanilang pangangailangan gayundin ang pambayad sa kanilang mga bayarin tulad ng upa sa bahay, pambayad sa ilaw at tubig atbp.

Ang naturang ordinansa ay pinirmahan ng walong konsehal at ng Vice-Mayor ng lungsod na si Noel ‘Boyet’ del Rosario na siyang namuno sa naturang sesyon.

Sa kasalukuyan ay may 79 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod habang 10 naman sa bilang na ito ang namamatay.

Labintatlo  naman ang naka-recover na samantalang 43 kaso ang naitala na suspect category at 11 naman ang probable.

MARIVIC FERNANDEZ