MANANATILING matatag ang borrowing rates hanggang sa kaagahan ng susunod na taon makaraang panatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang benchmark interest rate sa huling policy meeting nito para sa taon kahapon.
Nagpasiya ang Monetary Board na panatilihin ang key policy rate sa 4 percent, habang ang overnight deposit at lending rates ay nanatili sa 3.5 percent at 4.5 percent, ayon sa pagkakasunod.
“The within-target inflation outlook and solid prospects for economic growth support keeping monetary policy steady,” pahayag ni BSP Governor Benjamin Diokno. Aniya, ang ‘benign’ inflation ay magpapatuloy hanggang sa 2021.
Ang desisyon na panatilihin ang rates ay kasunod ng tatlong sunod na pagbaba, kung saan binawasan ng monetary officials ang key rates ng kabuuang 75 basis points makaraang bumalik ang inflation sa 2-4 percent target range ng pamahalaan.
Ang adjustments na ito ay sinamahan ng cuts sa reserve requirement para sa mga bangko. Ang universal at commercial banks ay inatasang panatilihin ang 14 percent ng total deposits sa pagtatapos ng taon.
Ang inflation ay may average na 2.5 percent mula Enero hanggang Nobyembre, na pasok sa target ng pamahalaan. Muling ire-reassess ng Monetary Board ang interest rate settings sa Pebrero 6, 2020.