INTEREST RATES NANATILI SA 2%

BSP

HINDI ginalaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates ngayong Pebrero sa gitna ng patuloy nitong pagtulong sa pagpapalakas sa economic recovery sa pamamagitan ng paghikayat ng mas masiglang pagpapautang.

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, nagpasiya ang Monetary Board na panatilihin ang policy rates sa all-time low na 2% sa unang pagpupulong nito para sa 2022.

Ang overnight deposit at  lending facilities ay pinanatili rin sa 1.5 percent at 2.5 percent, ayon sa pagkakasunod.

Ito ang ika-9 na sunod na pagpupulong na hindi ginalaw ang rates magmula nang ipatupad ang cut noong November 2020.

Ang policy interest rate ang nagsisilbing gabay sa pautang ng mga bangko at iba pang lending firm

Nauna nang tiniyak ni Diokno na pananatilihin ng central bank ang policy support nito sa layuning maipagpatuloy ang pagbangon ng ekonomiya.

Ang ekonomiya ng bansa ay lumago ng 5.6% noong 2021, mas mataas sa adjusted 5-5.5% target band ng economic team matapos ang mas nabilis sa inaasahan na 7.7% growth mula Oktubre hanggang Disyembre.