ISABELA- BINAWIAN ng buhay ang isang empleyado ng Isabela Cooperative 2 sa lungsod ng Ilagan.
Kinilala ang biktima na si Agnes Palce, Internal Auditor ng Iselco 2 na taga Brgy 2 sa bayan ng Tumauini at asawa ng isang judge.
Nabatid na pauwi na galing sa kanyang trabaho ang biktima nang maganap ang pananambang.
Ayon sa ulat, habang lulan ng kanyang sasakyan ang biktima kasama ang dalawa nitong ka-opisina ay biglang tumambad ang riding in tandem.
Tinapatan ang biktima at binarily ito na tinamaan sa panga bago tuluyang tumakas ang mga suspek.
Mabilis naman na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan si Palce subalit binawian ito ng buhay.
Hindi makapaniwala si Dave Solomon Siquian, General Manager ng Iselco 2 sa pangyayari dahil sa masaya pa silang nagpaalaman pagkatapos ng meeting at kaka- promote lang ng biktima bilang internal audit ng Iselco 2.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang sa biktima. IRENE GONZALES