CAMP CRAME – IDINIIN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na ang katuparan ng kanilang kampanya sa internal cleansing sa kanilang hanay at ang imbestigasyon sa 357 pulis na idinadawit sa droga o tinawag na drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang hangaring magtagumpay.
Aniya, ang inaasahang imbestigasyon sa mga nasa listahan ay kabilang sa kanilang hakbang bilang pagsunod sa kautusan ng Pangulo na linisin ang kanilang hanay mula sa ilegal na gawain at katiwalian.
Hindi aniya mahalaga kung sino ang mga nasa listahan bagaman napaulat na dalawa ay one-star rank police officer o brigadier general ang ranggo
Ginawa ni Gamboa ang pahayag kasunod nang pagkaulat na kabilang si Lt. Col. Jovie Espenido sa listahan lalo na’t inalis ito sa puwesto at pinag-report noong isang linggo sa tanggapan ng PNP Chief.
Inamin ni Gamboa na nainsulto siya sa nangyari dahil nakiusap na siya sa media na huwag pangalanan dahil kailangan pa nila itong i-validate.
Sa ngayon aniya ay uumpisahan pa lang ang imbestigasyon at bilang paggalang sa human rights, hindi maaaring ikompromiso ang mga pangalan ng mga isinasangkot dahil hindi pa naman sila guilty subalit sakaling matapos na ang imbestigasyon at mapatunayan ang bintang ay maaari namang pangalanan.
Noong Pebrero 10 ay tumanggi si Gamboa na magdetalye sa pagkaalis ni Espenido bilang deputy for operations at hepe ng anti-drug operations sa Bacolod City PNP.
Pagtiyak pa ng heneral na maasahan sila.
“I want to show the public na maaasahan kami (PNP) at ginagawa namin lahat para malinis ang aming hanay,” ayon kay Gamboa. REA S.
Comments are closed.