INTERNATIONAL TRAVEL TIPS

TRAVEL TIPS-1

MARAMI sa atin ang nagtutungo sa ibang bansa. Hindi nga lang naman dito sa Fi­lipinas natin gustong maglibot kundi inaasam-asam din nating makarating o makapaglibot sa iba’t ibang lugar nang masilayan ang angking ganda nito.

Kakaiba nga naman ang naidudulot sa pakiramdam ng pagta-travel. Kaya naman, sa mga magtutungo sa ibang bansa, narito ang ilan sa travel tips na makatutulong sa inyo upang makapag-enjoy kayo sa inyong pupuntahan:

I-CHECK ANG PASSPORT

Malayo pa lang ang pagtungo sa ibang bansa ngunit kailangan mo nang i-check ang iyong passport nang masigurong hindi paso o expired. May iba kasing kung kailan malapit na ang pag-alis ay saka pa lang tinitingnan. Paano kung malapit na palang mag-expired? Problema lang.

Matapos na ma-check ang passport, magpagawa ng kopya para kapag nawala ang passport o nanakaw sa lugar na iyong pupuntahan, may magagamit ka pa rin. Mainam din ang paggawa ng electronic copy.

MAGDALA NG LOCAL CASH AT SIGURADUHING GUMAGANA ANG CREDIT CARD

Isa rin sa mainam na i-check ay ang iyong credit card kung gagana ba ito o magagamit sa lugar na pupuntahan. Ma­rami rin kasi sa atin ang mas pinipili ang paggamit ng credit card dahil convenient. Nakapapangamba rin kasi ang pagdadala ng malaking halaga sa pag­liliwaliw.

Bukod din sa pagsigurong gagana o hindi magkakaproblema ang credit card sa lugar na pupuntahan, magdala rin ng local cash.

Hindi nga naman lahat ay tumatanggap ng credit card gaya na lang halimbawa ng train o bus. Kaya para maging handa sakaling kailanganin, magdala ng local cash. Dito pa lang sa bansa o Filipinas, mgpapalit nang hindi magkaproblema.

ALAMIN ANG ENTRANCE AT  EXIT FEE

May mga bansa na bago ka makapasok o makalabas, kailangan mo munang magbayad. Para rin maging handa, alamin din kung sa pupuntahang lugar o bansa ba ay mayroon kang kailangang bayaran sa pagpasok at paglabas. Alamin din kung magkano ang kailangang bayaran.

MAGDALA NG CHARGER ADAPTER

Bawat bansa o lugar ay may iba-ibang size plugs at voltage. Hindi nga naman natin masasabing kung ano ang voltage at plug size na mayroon tayo ay ganoon din sa bansang ating pupuntahan. Napakahalaga pa naman sa atin ang cellphone. Una ay ginagamit natin ito upang makausap ang mga mahal natin sa buhay. Ikalawa, magagamit natin ito sa mga panahon ng panganga­ilangan o emergency. At ang panghuli, pangkuha ng picture. Sayang naman ang bakasyon o pagtungo sa isang lugar kung wala kang litrato.

Para ma­gamit pa rin ang cellphone o makapag-charge, magdala ng charger adapter. Buti na nga naman iyong sigurado kaysa sa nakanganga ka lang kapag kinailangan mo.

Huwag ding kaliligtaang i-check ang voltage ng iyong electronics o gadgets.

IWASAN ANG PAGSUSUOT NG FLASHY JEWELRIES

Kasama sa pagpapaganda o pagiging fashionista ng bawat kababaihan, maging kalalakihan na nga rin, ang pagsusuot ng accessories. Nakada­ragdag nga naman ito ng ganda sa kabuuan. Ngunit kung magtutungo ka sa ibang bansa o lugar, isa sa dapat mong iwasan ang pagsusuot ng flashy o expensive jewelries.

Hindi mo naman kailangang ipangalandakan ang magaganda at mamahalin mong gamit sa ibang bansa tapos mag-iikot-ikot ka lang naman pala. Kahit saan pa naman ngayon, may mga pasaway at walang ibang gustong gawin kundi ang makapanlamang ng kapwa. Aba, baka mamaya ay maisama pa sa koleksiyon ng ibang tao ang mamahalin mong gamit. Paano ka na. Sayang naman.

Kaya, para na rin sa sariling kaligtasan at upang hindi mapunta sa iba ang mga gamit na mayroon ka, iwasan ang pagsusuot ng mga ito lalo na kung magbabakasyon.

Tandaan din ang pagsusuot ng mga outfit na kagaya lang din ng locals. Kumbaga, huwag ding magsusuot ng tawag-pansin dahil madali kang makikilalang hindi ka tagaroon. Para mag-blend sa mga tao sa lugar, simple lang din ang suotin kagaya ng kanilang mga isinusuot.

Marami tayong dapat tandaan kung mamamasyal tayo—sa loob o labas man ng bansa. Ma­ging maingat at mapagmatiyag tayo. Isipin natin ang ating kaligtasan.  CS SALUD

Comments are closed.