INTERNET CONNECTIVITY SISILIPIN

Senadora Grace Poe-5

DAHIL na rin sa pananatili sa kani-kanilang tahanan dulot ng COVID-19 pandemic, nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng internet access hindi lamang sa mga ‘work from home’  kundi maging sa mga estudyante para sa ‘online learning’.

Bunga nito ay magsasagawa ang Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ng isang online hearing sa Miyerkoles, Hulyo 1,  ala-1:30 ng hapon,  upang alamin ang estado ng internet connectivity ng bansa na tiyak na apektado ang lahat ng sektor,  gayundin ang pagsisikap ng gobyerno at pribadong sektor na maging maayos at mabilis  para sa lahat ang internet.

“The problem in connectivity looms large and we can see how the country is grappling to be online,” giit ni Poe.

Inaasahang dadalo sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission, iba pang ahensiya ng gobyerno, mga major telco, internet provider at apektadong sektor.

“Kailangan nating humabol at kumilos nang agaran upang mabigyan ang ating mga kababayan ng mabilis at maaasahang internet,” ani Poe.

“We have seen how access to the internet has been put on similar footing as other basic services during this pandemic, becoming a lifesaver for many people around the world,” dagdag ng senadora.

Binigyang-diin ni Poe na dapat pangunahan ng gobyerno ang pagtiyak ng pamumuhunan sa mga kinakailangang imprastraktura para magkaroon ng kompetisyon, at mapamura at mapabilis ang serbisyo ng mga telco.

Tatalakayin sa pagdinig ng komite ni Poe ang Senate Resolution 435 at Senate Bill 471 ukol sa konektibidad ng bansa.

“Wala dapat maiwang offline sa gitna ng pandemya,” diin ni Poe.

Nauna nang inihain ng senadora ang Senate Resolution 456  na humihikayat sa ehekutibo na magbigay ng internet allowance sa mga guro sa pampublikong paaralan sa pagsasagawa ng online sa mga klase.   VICKY CERVALES

Comments are closed.