INTERNET, MAPAPAGBUTI PA

Albay Rep Joey Sarte Salceda

MULING nanawagan si House Ways and Means Committee chairman Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na dapat maging “higit na mabilis, mura at maaasahan” ang internet service na itinuturing na ngayon bilang “daluyan ng dugo ng bagong ekonomiya at ‘national emergency,’” pagkatapos ng pandemya, upang makaagapay ang Filipinas sa pandaidigang kompetisyon.

Ginawa ni Salceda ang panawagan matapos maging pang-64 lamang ang Filipinas sa “digital evolution ranking” at pang-52 naman sa “digital momentum” ng mga bansa sa mundo, batay sa ulat ng Tufts University sa Massachusetts, USA and Mastercard Inc. Sa ASEAN, kulelat pa diumano ang bansa sa Indonesia at Vietnam.

“Daluyan ng dugo ang ‘internet’ sa ilalim ng bagong ekonomiya, Kung mabagal ang ‘internet’ natin, patay tayo agad sa pandaigdigang kompetisyon. Kung nais nating makipagsabayan, kailangan natin ang higit na mabilis na internet,” madiin niyang paliwanag.

Pangunahing may-akda si Salceda ng dalawang mahahalagang panukalang batas na naglalayong isulong at gawing makabago ang ‘digital global status’ ng bansa — ang ‘Faster Internet Services Act’ na nakahain na ngayon ay nasa House Committee on Information, Communications and Technology’ at ang ‘Satellite Liberalization Act’ na inendorso ng Pangulong Duterte sa ‘Economic Cluster panel.’

Dahil sa maraming buwang ‘pandemic lockdowns,’ bumaling  at naging ‘digital economy’ na rin ang bansa, pati mga bagong trabaho, ‘digital’ na. Kailangan natin ang mga naturang bagong trabaho upang makabawi tayo sa pagkakalugmok ng pandemya.

Ayon kay Salceda, sa karanasang ‘digital’ nangunguna na ang bansa at maraming Filipino na ang mahuhusay magdisenyo nito kaya pang-10 na ang ranggo natin sa mundo kaugnay nito. Ang problema ay nasa “impraestraktura at mga panuntunan, kaya kailangan may mga dapat baguhin upang makahabol tayo.”

Sa ilalim naman ng ‘Satellite Liberalization Act,’ bibigyan ang maliliit na kompanyang ‘telco’ ng karapatang gumamit ng ‘satellite  technologies’ para mapalawak ang kompetisyon sa sektor nila. Palalakasin nito ang ‘digital economy,’ lalo na ang nagtatrabaho at nagnenegosyo mula sa mga bahay nila, at gagawing lalong mabisa ang ‘distant learning program’ ng mga paaralan. Aamyendahan nito ang mga pagbabawal sa paggamit ng ‘satellite technology’ na bukas lamang sa malalaking kompanya batay sa 1998 Executive Order 467.

“Kinakatawan ko ang distrito kung ‘rural’ kung saan umuusbong ang maraming negosyo. Kailangan din bigyang halaga ang sektor ng agrikultura at kaakibat nitong mga serbisyo. Mabilis ding lumalago   ang sektor ng “Business Process Outsourcing” o BPO sa amin kaya kailangan namin ang maaasahang at hindi kamahalang ‘internet,’ paliwanag niya.

Patuloy na isinusulong ni Salceda ang pagkakaroon ng ‘digital-ready economy,’ bilang chairman ng ‘House tax panel’ tungo sa higit na pangmatagalang matibay at maunlad na ekonomiya, kasama na ang pagbangon mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.

Kinukumplemento ng mga mga inisyatibo kaugnay sa ‘satellite’  ang mga panukalang batas niyang HB 312 para sa mabilis na ‘internet;’ HB 311 o Schools of the Future Act; HB 6247 o  Comprehensive Education Reform Act: at HB 6287 o Digital-compatible Skills-based Education bill.

Comments are closed.