ITINAAS ang international inbound passenger capacity sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa hanggang 5,000 kada araw simula kahapon, February 4, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).
Ang international arrivals sa NAIA ay dating limitado lamang sa 3,000 pasahero kada araw.
Sa isang advisory na may petsang February 3, sinabi ng Civil Aeronautics Board (CAB) na kailangang tiyakin ng mga airline ang mahigpit na pagsunod sa applicable entry requirements at protocols para sa lahat ng kanilang international inbound passengers sa ilalim ng kaugnay na Inter-Agency Task Force (IATF) regulations and/or policies.
Iginiit din ng CAB na ang mga pasahero ay kinakailangang magparehistro sa One Health Pass bago sumakay sa kanilang flights.
“Airlines are directed to screen and board only those passengers who are compliant with the applicable requirements and protocols for international arriving passengers,” ayon sa CAB.
Simula sa February 10 ay papayagan na sa bansa ang fully vaccinated international tourists mula sa visa-free countries, sa kondisyong magpapakita sila ng negative RT-PCR test na isinagawa sa loob ng 48 oras bago ang pag-alis mula sa pinagmulang bansa.
Ang returning overseas Filipinos, anuman ang pinagmulang bansa, ay hindi na rin kinakailangang mag-quarantine simula February 1, subalit kailangang magprisinta ng negative COVID-19 RT-PCR test results.
Nauna nang nilimitahan ng mga awtoridad ang bilang ng international arriving passengers sa NAIA dahil sa COVID-19 testing at quarantine facility capacity.PNA