INTRIMITIDONG LTFRB

Nagpoprotesta si Senate President Francisc ‘Chiz’ Escudero laban sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil wala umano itong otoridad na bawiin ang individual franchise ng public utility vehicles (PUV) na hindi nag-consolidate sa cooperatives.

Partikular niyang tinutukoy ang probisyon ang public transport modernization program (PTMP) ng gobyerno, kung saan inatasan ang mga driver at operator na mag-consolidate sa mga corporations o cooperatives upang mabigyan ng franchises to operate.

“Ang franchise ay delegated lamang ng Kongreso sa LTFRB. Hindi nila pag-aari and kapangyarihang ito, maliban sa [kung] pinasa lamang sa kanila ng Kongreso. At sa paniniwala ko, hindi dapat ginagawa ng LTFRB ito,” pagdidiin ni Escudero.

Mariin din itong tinututulan ng mga transport leaders ng Manibela at PISTON, dahil napakamahal umano ng sasakyan, at isa lamang ito sa napakarami pang dahilan.

Matatandaang nagpalabas ang LTFRB ng Board resolution 53 series of 2024 kung saan kinikilala nila na ang minimum requirement of units ng Public Utility Jeepney (PUJ) sa isang partikular na ruta para maaprobahan ang filing of application for consolidation, ay hinigpitan para sa mga  operators ng jeepneys at UV express. Kailangang mag-apply sila ng consolidation at sumali sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Gayunman, sinabi ng mga driver at operator na hindi nila ito kakayanin sa ngayon dahil napakamahal ng nasabing modernisasyon. Sa liit umano ng kinikita ng mga pampublikong sasakyan, at sa palagiang pagtaas ng presyo ng krudo ay napakaimposible sa ngayon ang kanilang hinihingi.

JAYZL VILLAFANIA NEBRE