(Ni CT SARIGUMBA)
TINATAMAD-TAMAD tayo kapag malamig ang panahon. Para bang gusto na lang nating mag-relax sa bahay o kuwarto at walang gawin.
Nakapapagod din kasi ang araw-araw na pagtatrabaho at may mga panahong sinasalakay tayo ng katamaran.
Ngunit kung hahayaan natin o pagbibigyan ang nadaramang katamaran, wala tayong matatapos na trabaho sa buong araw. Hindi rin naman puwe-deng idahilan nating tinatamad tayo kaya’t liliban sa opisina. Higit sa lahat, sayang ang isang araw na kita kung hindi tayo magtatrabaho. Pandagdag din iyon sa gastusin sa bahay.
At dahil hindi nga naman talaga maiiwasang tamarin kapag malamig o sa kahit na anong panahon, narito ang ilang mga inuming swak kahiligan na nakapagbibigay sigla sa buong araw:
WATER
Unang-una sa ating listahan ang tubig. Tubig nga naman ang isa sa dapat nating kahiligan.Pinakamura at healthy rin ang nasabing inumin. Nakatu-tulong din ito sa produksiyon ng energy. Kaya’t kung tinatamad-tamad o tila wala kang lakas, maaaring kulang o hindi sapat ang iniinom na tubig.
Dehydration ang nagiging resulta ng hindi pag-inom ng tubig. At kapag na-dehydrate ang katawan ay bumabagal ang pag-function nito na nagiging dahilan ng pagod at sluggish na pakiramdam.
Marami sa atin ang inaayawan ang pag-inom ng tubig dahil sa ayaw ng ilan ang lasa nito. Gayunpaman, para mag-boost ang energy, uminom ng maraming tubig. Uminom din ng tubig kahit na hindi nakadarama ng uhaw. Kapag malamig pa naman ang panahon o nasa lugar na may aircon ay hindi tayo nauuhaw.
Mainam din kung sa pagitan ng pagtatrabaho ay hindi kinaliligtaan ang pag-inom ng tubig. At para hindi tamaring tumayo sa kinauupuan kapag nag-tatapos ng deadline, maglagay ng tubig sa lamesa nang mauhaw man, may madadampot kaagad.
MATCHA
Marami sa atin ang nahihilig sa matcha. Nang makilala o lumabas ang matcha, marami sa atin ang minahal ito’t kinahiligan.
Mainam din ang matcha sa katawan dahil nagtataglay ito ng caffeine. Sa mga hindi mahilig sa kape, puwedeng-puwede itong ipampalit.
GREEN TEA
Pagdating sa inuming maraming benepisyo, nangunguna sa listahan ang green tea. Nagtataglay ito ng antioxidants na tumutulong upang maiwasan ang oxidative stress at inflammation.
Gaya rin ng matcha at kape ay nagtataglay ito ng caffeine na nakapagpapataas ng energy level. Kaya naman, kung tinatamad-tamad o nananamlay, swak na swak itong inumin.
DARK CHOCOLATE DRINK
Mataas naman ang taglay na cocoa ng dark chocolate. Marami ring benepisyo ang dark chocolate. Pinagaganda nito ang blood flow sa katawan na daan upang gumanda ang function. Naiiwasan din nito ang mental fatigue at nakapagpapaganda ng mood.
COFFEE
Kung inaantok-antok nga naman tayo, isa kaagad sa iniinom ng marami ang kape. Alam na alam na nga naman natin ang benepisyong dulot nito sa katawan.
At isa nga riyan ay nagigising tayo’t nabubuhayan dahil sa taglay nitong caffeine. Kaya’t isa ang kape sa kinahihiligan, hindi lamang ng matatanda kundi maging ng mga teenager.
Maraming inumin ang nakapagbibigay sa atin ng lakas at sigla sa buong araw.
Ilan nga riyan ay ang mga nakalista sa itaas. Kung tinatamad-tamad o inaantok-antok ang kabuuan, subukan na ang mga inuming nakapagbibigay lakas at sigla sa buong araw. (photos mula sa nutritiouslife.com, independent.co.uk)
Comments are closed.