LIGTAS mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tubig mula sa dalawang water concessionaires sa bansa, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Sinabi ni MWSS Administrator Emmanuel Salamat na dumaraan sa Philippine National Standards for Drinking Water ang suplay ng tubig mula sa Maynilad at Manila Water.
“Ini-ensure ng dalawang concessionaires natin that our water is safe and compliant doon sa Philippine National Standards for Drinking Water,” wika ni Salamat sa Laging Handa briefing kahapon.
Aniya, may mga tauhan sila at ang dalawang concessionaires na naglilibot upang mag-inspeksiyon.
Tiniyak din niya na may sapat na suplay ng tubig sa gitna ng ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine.
“We are assuring the public na mayroong sapat na supply ng tubig,” sabi niya.
Bago ang ECQ ay humiling na, aniya, sila sa National Water Resource Board na dagdagan ang kanilang alokasyon mula 42 cubic meters per second hanggang 46 cms.
“’Yun po ang contribution ng water utilities na makapaghugas po tayo, makapaligo at magamit din po ‘yung ating mga patubig para sa sanitation din po,” dagdag pa niya.
Comments are closed.