‘Invasion’ ni Duterte sa Senado binatikos ni Lacson

KINONDENA ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson noong Martes ang pinaniniwalaan niyang walang galang na takeover sa pagdinig ng Senado sa kontrobersiyal na ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.

Sa isang statement, binatikos ni Lacson ang inasal ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon subcommittee noong Lunes, sinabing “pinanghimasukan” nito ang mataas na kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Lacson, isang senador lamang ang nagdepensa sa dignidad ng Senado mula sa inasal ng dating Pangulo sa pagdinig.

“Yesterday, the Upper Chamber was ‘invaded’ by the former President of the Republic. Only one consistently and steadfastly stood up to preserve the dignity of the Philippine Senate,” wika ni Lacson.

“She happens to be a woman who answers, ‘present’ during a roll call. Her name: Risa Hontiveros,” pagbibigay-diin ng dating senador.

Ang pahayag ni Lacson ay kinatigan ng isa pang dating senador, si Antonio “Sonny” Trillanes IV, na nagsabing “the only bright spot in yesterday’s Senate hearing was Sen. Risa’s standing up to the evil Duts.”

“‘Yan ang leader! Matapang! Matalino! Magaling!” pagbibigay-diin ni Trillanes sa isang statement.

Paulit-ulit na pinaalalahanan ni Hontiveros si Duterte sa pagkawalang-galang sa Senate hearing.

Ang dating Pangulo ay paulit-ulit na nagmura nang ihayag niya ang kanyang walang patawad na paninindigan sa illegal drugs, partikular kapag sangkot ang pulisya.

“Lalo na ang pulis, p*tang*na itong mga pulis, pag pumasok ‘yan sa pulis sa droga, hindi mo masabi, ‘hoy pulis huminto ka’,” ani Duterte.

Singit ni Hontiveros: “Forgive me for interrupting. Speaking of lengwahe, sorry sir, baka maaaring ang resource person tumigil magmura kasi bahay natin itong Senado.”

Binigyang-diin din ni Hontiveros na kailan man ay hindi ipagmamalaki ng mga Pilipino ang ‘war on drugs’, at ang mga kuwento ng mga biktima nito ay nararapat lamang na marinig at aksiyunan ng mga mambabatas.

“Sa lahat ng nagsasabi na ang war on drugs ay parusa daw para sa mga naliligaw ang landas, my message to you is this: There is no honor in punishment like tokhang,” ani Hontiveros.

“It should not be an honor to be called ‘The Punisher,’ when thousands of innocent people, including babies, have died in your name. Hindi kailanman ipagmamalaki ng mga Pilipino ang war on drugs na yan,” dagdag pa niya.