INVESTMENT COMPANY  NI-RAID, P23-M NAKUMPISKA

raid

AGUSAN DEL NOR­TE – NAKUHA ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP)  at 23rd Infantry Battalion ng 4ID ng Philippine Army ang mahigit na P23 milyon mula sa isang investment scheme company.

Narekober ang mil­yong cash sa kanilang operasyon sa District II Brgy. Cubi-cubi, Nasipit, Agusan del Norte noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay PLt Col Chulijun Caduyac, Regional Chief ng CIDG RFU 13, tinukoy ang investment company na FRX Rice Trading Investment Scheme.

Nakatanggap, aniya, sila ng report na nagkakaroon ng pay out ng isang investment scheme sa bayan ng Talacogon, Agusan Del Sur.

Agad silang nagpadala ng mga tauhan sa lugar ngunit nakatunog ang mga tauhan ng kompanya kaya tumakas ang mga ito.

Nagkaroon ng habulan hanggang sa natunton ang grupo na inilipat  ang Pay Out sa bayan ng Nasipit, Agusan Del Norte.

Nakatakas ang mga empleyado ng Frx Investment Scheme nang isagawa ang pagsalakay subalit naiwan nila ang perang nagkakahalaga ng mahigit P23,000,000  na nakalagay sa limang malalaking kahon

Nakuha rin ang tatlong units ng money counting machine; 127 na piraso ng logbook; tatlong piraso ng notebook; limang piraso ng  folder; at ilang piraso ng empty storage box;

Isinagawa ang ope­ration batay na rin  sa kautusan ni Pangulong Duterte na tugisin ang mga sangkot sa investment scam sa Mindanao dahil sa paglabag sa RA 8799 o ang “Securities Regulation Code” .

Una nito ay sinabi ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na  12 mga investment companies ang target ng PNP At National Bureau of Investigation (NBI). REA SARMIENTO

Comments are closed.