MULING iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang rekomendasyon sa gobyerno na simulan ang infrastructure investment fund bilang alternatibo sa Maharlika Investment Fund (MIF) para tulungang pondohan ang pag-unlad ng ekonomiya sa bansa.
Binigay ni Cayetano ang kanyang komento matapos i-refer sa Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies ang mga panukalang batas sa MIF – House Bill No. 6608 at Senate Bill No. 1670 – sa halip na sa Committee on Government Corporations and Public Enterprises na kanyang pinamumunuan.
“Why not have a platform for Juan dela Cruz where they can invest in these projects and get a board seat? With that, you have the same result as the Maharlika Investment Fund with safeguards,” sinabi ni Cayetano nitong Miyerkoles habang sinimulan ng Senado ang deliberasyon sa mga panukalang batas sa MIF.
Idiniin nya na maaaring mag-invest ang gobyerno sa mga proyektong pang-impraestruktura tulad ng mga skyway at highway na kumikita ng pera sa kanilang investor.
“So far wala pa akong nakikitang nalugi sa projects na ganyan,” aniya.
Sa rami ng mga pagpuna laban sa MIF, sinabi ni Cayetano na mahalagang mapakinggan sa mga deliberasyon sa Senado ang mga hinaing ng tao laban dito.
“There’s a lot of opportunities to discuss on this issue. Sa stock market, for example, the sentiments of people can cause a rise and fall. Maraming bullish sa Maharlika Investment Fund, pero marami ring negative sentiments. Kahit maganda ang programa, marami pa ring nagdududa kung ano talaga ang intentions nito,” diin nito.
Sinabi ni Cayetano na interesado siyang gumawa ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino na pondohan ang mga proyektong pang-impraestrktura sa bansa.
“In the long term, let’s just try to make more opportunities for all Filipinos and the private sector,” aniya. VICKY CERVALES