IP GAMES-VISAYAS LEG AARANGKADA NA SA BAGO CITY

AARANGKADA na ang Indigenous Peoples Games – Visayas Leg sa Manuel Torres Sports Complex sa Bago City, Negros Occidental sa weekend.

Ang event ay dadaluhan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann, na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa programa na naglalayong isulong ang inclusivity sa pamamagitan ng sports at magbigay ng platform para sa lahat ng miyembro ng lipunan upang ipakita ang sport na kanilang minamahal.

“This is the PSC’s way of taking good care of the welfare of our aspiring athletes coming from the minorities. It is among our top priority to deliver the value of sports in taking up a genuine cause for our IP communities,” wika ni Chairman Bachmann.

Ang IP Games sa Bago City ay magiging ikalawang edisyon para sa taon matapos ang Luzon leg na ginanap sa Municipality of Salcedo sa Ilocos Sur.

Mahigit 300 IP members ang lalahok sa event at 17 local government units (LGUs) mula sa Negros Occidental ang makikibahagi, kabilang ang mga lungsod ng Kabankalan, San Carlos, Bago , Cadiz, Sagay, Sipalay, Himamaylan, Silay, at Talisay.

Magpapadala rin ng kanilang mga delegado ang mga bayan ng Isabela, Binalbagan, Hinoba-a, Don Salvador Benedicto, Calatrava, Candoni, Ilog, at Cauayan.

Upang masiguro ang maayos na pagsasagawa ng programa, mahigpit na nakikipag-ugnayan si Comm. Matthew “Fritz” Gaston na nangangasiwa sa IP Games, sa Bago CIty LGU, Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMRs), at partner agencies, kabilang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ang Department of Education (DepEd).

“We would like to acknowledge our LGU partner and host, Bago City, Negros Occidental, headed by Mayor Nicholas Yulo, together with Vice Mayor Ramon Torres, for wholeheartedly accepting the invitation to hold the Visayas leg of the IP Games this year in Bago City,” sabi ni Comm. Gaston.

Ang General Santos City ang magiging host para sa Mindanao leg na idaraos sa Oktubre, kaalinsabay ng selebrasyon ng Indigenous Peoples’ Month.
CLYDE MARIANO