ROME, Italy – HINILING ni Senador Bam Aquino kay Pope Francis na ipagdasal ang Filipinas at mahihirap na Filipino sa gitna ng hamon na kinakaharap ng bansa.
Sa pribadong pulong sa Santo Papa ay ibinigay rin ng senador ang sulat galing sa mga miyembro ng ilang religious groups sa bansa, tulad ni Bro. Armin Luistro ng Purple Cross Movement.
“Holy Father, I have some letters from our religious leaders in the Philippines. Our country needs your prayers,” sabi ni Sen. Bam sa Santo Papa sa kanilang pulong. Bilang tugon, ngumiti si Pope Francis, kinuha ang mga sulat at binasbasan si Sen. Bam at ang hawak nitong rosaryo.
Laman ng sulat ay kahilingan sa Santo Papa na ipagdasal ang paghinto ng karahasan sa bansa at ipanalangin ang kapakanan ng mga naulila sa drug war ng pamahalaan.
Nagkaroon ng pagkakataon si Sen. Bam na makausap ang Santo Papa bilang kinatawan ng bansa sa 9th Annual Meeting of the International Catholic Legislators Network (ICLN).
Sa kanyang mensahe sa mga Katoliko at Kristiyanong mambabatas, sinabi ng Santo Papa na ang mga politikong Kristiyano ay tinawag maging saksi sa kanilang pananampalataya.
Sinabi naman ng senador na ang mensahe ni Pope Francis sa mga Katoliko ay tumayo para sa Diyos at sa mga kapwa Filipino, kahit ano pa man ang sitwasyon nang may buong pagpapakumbaba at katapangan. VICKY CERVALES
Comments are closed.