NITONG ika-18 ng Mayo ay ipinagdiwang sa buong mundo ang International Museum Day.
Napakagandang pagkakataon ito upang gamitin ang ating libreng oras at weekends para bisitahin ang ilan sa mga magagandang museo dito sa siyudad. Ang ating kasaysayan at kultura ay dalawa sa mahahalagang bagay na dapat nating pangalagaan at mahalin bilang mga Pilipino.
Dahil taglay ng mga museo ang mga importanteng impormasyon at mahahalagang bagay, ang mga lugar na ito ay mayaman sa mga aral at kaalaman hindi lamang para sa mga kabataan kundi para sa atin mismo. Tayo ay may responsibilidad na magpalaganap ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng mga museo para sa ating lipunan at bayan.
Ilan lamang sa mga museo dito sa Metro Manila na maaari nating bisitahin ay ang mga sumusunod:
National Museum of the PH, Ayala Museum, Yunchengco Museum, Museu de Intramuros, UST Museum, at ang Mind Museum. Mayroong anunsiyo ang National Museum tungkol sa pagbabalik ng kanilang Museum Volunteer Program.
Ito ay isang magandang oportunidad para sa mga interesadong matuto sa mga bagay na kaugnay ng pagpapatakbo ng isang museo.
Maaaring tumulong sa mga aktibidad sa museo ang mga volunteers upang mapalalim ang kaalaman at karanasan sa pangangalaga ng mga koleksiyon, exhibits, at pasilidad.
Para sa mga interesado, maaaring magpadala ng CV at letter of intent sa [email protected]
o0o
Sa ika-26 ng Mayo sa ganap na alas-siyete ng gabi ay magaganap naman ang La Nuit de Idées (The Night of Ideas). Ito ay handog ng Embassy of France to the Philippines and Micronesia at ng Alliance Française de Manille. Ila-livestream ang event mula sa Ayala Museum sa Facebook page ng French Embassy at ng Alliance Française de Manille.
Ang tema ng event na ito ay, “(Re)building Together: Smart Ideas, Smart Projects Born during the Pandemic”. Pag-uusapan dito ang mga paraan at ideya upang makabangon ang sektor pangkultura at matulungan ang mga institusyon at mga artista o manlilikha upang makabawi pagkatapos ng pandemya at makasabay sa mga bagong reyalidad sa gitna ng tinatawag na new normal.