(Ipagkakaloob ng DOLE ‘pag nagsara ang TV network) JOBS, AID SA ABS-CBN WORKERS

SEC-BELLO

NAKAHANDA ang gobyerno na tulungan ang mahigit 10,000 regular at non-regular employees at talents ng TV network ABS-CBN na maaaring mawalan ng trabaho sakaling hindi ma-renew ang prangkisa nito, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

“Malaking sakit ng ulo sa amin kasi we have to provide them immediate response. Magiging malaking problema iyan, but we just need to prepare for that,” sabi ni Bello sa CNN Philippines.

Hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court noong Lunes na  kanselahin ang existing franchise ng ABS-CBN Corporation at ng subsidiary nito, ang ABS-CBN Convergence Inc., dahil sa umano’y paglabag sa mga panuntunan na itinakda ng Kongreso. Ito ay sa gitna ng mga nakabimbing bills sa Kamara na humihiling na i-renew ang prangkisa ng TV giant sa panibagong 25 taon. Ang  existing franchise ay mapapaso sa March 30.

Sinabi ni Bello na anuman ang kahinatnan ng usapin sa SC at Kongreso ay naghanda na sila ng short-term financial assistance para sa mga maaapektuhang libo-libong manggagawa.

Aniya, maaaring mag-alok ang DOLE ng minimum wage jobs at livelihood assistance sa pamamagitan ng loans.

“Hindi namin puwedeng pabayaan ang mga manggagawa. Bibigyan namin ng emergency employment ‘yan. Bibigyan namin sila ng trabaho,” sabi pa niya.

Idinagdag pa niya ang posibilidad na kunin ng ibang media networks ang mga displaced worker. Ipinahiwatig pa niya na maaari silang kunin ng ‘bagong may-ari’ ng TV network makaraang hikayatin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang  mga executive ng ABS-CBN na ibenta ang kompanya.

“Assuming na ma-terminate ang prangkisa ng ABS-CBN, ang mangyayari siyempre may mga kukuha siguro, magkakaroon ng new owners, siguro naman i-a-absorb nila ang mga employee ng ABS,” sabi pa ng labor chief.

Pinayuhan din niya ang mga mangggawa na manatiling kalmado.

“Let the judicial process, legislative process take its natural course. Huwag nating haluan ng pulitika. DOLE is prepared to give immediate, but not long-term, assistance,” aniya. CNN PHILIPPINES

Comments are closed.