(Ipagkakaloob ng LTFRB) SPECIAL PERMIT SA MGA RUTANG WALANG CONSOLIDATED JEEPNEYS

IPINAHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-iisyu ito ng special permits para makabiyahe ang public utility vehicles (PUVs) sa mga rutang walang consolidated jeepneys.

Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, nag-iisyu sila ng special permits kapag talagang walang dumadaan na pampasaherong dyip at karaniwang kinukuha nila ang mga dyip sa mga ruta na katabi ng walang nag-consolidate.

Umabot na sa mahigit 160,000 jeepneys o 81 percent ang nakapag-consolidate na  sa pagtaya ng LTFRB ay sapat na ang mga ito para sa mga mananakay sa bansa.

Samantala, sinabi ng LTFRB na nagsimula na itong mag-isyu ng show-cause orders sa mga hindi nag-consolidate upang pagpaliwanagin sa kabiguan nilang sumunod sa deadline ng pamahalaan. Ang mga apektadong  driver at operator ay may limang araw para magpaliwanag.

Maaari ring simulan na ng mga awtoridad ang pagsita sa mga kolorum na sasakyan sa ikatlo at ikaapat na linggo ng Mayo.

EVELYN GARCIA