MAY 167,500 “lifeline” customers ng Maynilad Water Services Inc. ang makatatanggap ng rebate sa kanilang May 2023 water bill.
Kasunod ito ng service interruptions na iniulat dahil sa pagbabawas ng produksiyon ng Putatan Water Treatment Plants nito.
Sa pagtaya ng Maynilad, ang total rebates ay aabot sa P10.81 million, na ipagkakaloob sa lifeline customers o yaong mga kumokonsumo ng hindi hihigit sa 10 cubic meters (cu.m.) kada buwan sa Cavite, Las Piñas, bahagi ng Makati, Muntinlupa, Parañaque, at Pasay.
“Maynilad is giving the rebate in consideration of ‘lifeline’ customers who were constrained to pay a minimum charge through they were not able to consume a full 10 cu.m. given the service interruptions affecting their area,” sabi ng water concessionaire.
Ang rebates ay magiging katumbas ng halaga ng unused portion ng kanilang minimum consumption at iba-iba depende sa actual consumption ng customer below 10 cu.m.. Nangangahulugan ito na ang customers na kumonsumo lamang ng 1 cu.m. noong Marso ay makatanggap ng rebate na 9 cu.m. o P121.98.
Ang Maynilad ay nagseserbisyo sa mga customers sa west zone, na sumasakop sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, at Valenzuela. Nagseserbisyo rin ito sa ilang lugar sa Cavite tulad ng mga lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus; at mga bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario.