MAKAKUKUHA ang local agricultural producers ng hanggang P3,000 fuel discount sa ilalim ng P500-million fuel subsidy program ng pamahalaan para sa industriya, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
“Ito ay naglalayon na tulungan ang mga magsasaka, mangingisda sa pamamagitan ng pag-avail ng 30% discount sa mga oil companies contracted by the Department of Agriculture,” wika ni Budget Usec. Rolando Toledo sa isang briefing sa Palasyo. Gayunman ay hindi binanggit ni Toledo kung kailan ipamamahagi ng gobyerno ang ayuda sa kuwalipikadong agri producers. Subalit sinabi ni Agriculture Secretary William Dar noong nakaraang linggo na sisimulan ng ahensiya ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda ngayong buwan.
Sa memorandum circular na inilabas noong Lunes, sinabi na sasaklawin ng fuel discount ang lahat ng machineries na ginagamit sa corn production mula sa land preparation hanggang sa post-harvest activities, gayundin ang motorized boats para sa fishing operations.