(Ipagkakaloob sa ika-90 anibersaryo ng DOLE) AYUDA SA HIGIT 80K BENEPISYARYO

MAGKAKALOOB ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong pinansiyal sa mahigit 80,000 benepisyaryo bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-90 anibersaryo nito.

“Magkakaroon po tayo ng pagbibigay tulong sa pamamagitan ng livelihood assistance o mga kapital para makapagsimula ng negosyo sa more than 10,000 beneficiaries. Ang gugugulin naman po namin ditong pera ay halos P200 million na po,” wika ni DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavidez.

Para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program, sinabi ni Benavidez na magkakaroon ang DOLE ng massive payout na nagkakahalaga ng P30 million sa 75,000 benepisyaryo.

“Magkakaroon po kami ng malawakang payout sa mga benepisyaryo po ng TUPAD… Ang aming pong tala ay nasa P30 million na ang ipapamahaging sahod sa halos 75,000 beneficiaries sa buong bansa,” aniya.

Ang TUPAD ay isang community-based package of assistance na nagkakaloob sa disadvantaged workers ng temporary employment mula 10 hanggang 90 araw, depende sa nature ng trabaho, at may suweldo na base sa pinakamataas na umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Sa ilalim ng DILP o ang DOLE-Kabuhayan Program, ang labor department ay nakatakda ring magkaloob ng P177 million na halaga ng kabuhayan sa 9,783 vulnerable at  marginalized workers sa buong bansa.

Ang DILP ay nagkakaloob ng  grant assistance para sa start-up, enhancement, o restoration ng nawalang kabuhayan para sa disadvantaged (vulnerable, marginalized, displaced) workers, at maaaring i-availe ng isang indibidwal o grupo sa informal sector.